EDITORYAL — Kian, matatahimik na, sana ang iba ring EJK victims

MATATAHIMIK na ang kaluluwa ni Kian delos Santos, ang 17-anyos na estudyante at vendor na pinatay ng mga pulis habang ipinatutupad ang madugong drug campaign ni dating President Rodrigo Duterte noong Agosto 16, 2017. Tinatayang 6,229 ang mga namatay sa war on drugs subalit sabi ng human rights groups, maaaring lampas pa ng 12,000.
Noong Lunes, pinagtibay ng Supreme Court ang hatol na habambuhay na pagkabilanggo sa tatlong pulis na pumatay kay Kian. Napatunayan ng Kataas-taasang Hukuman na nagkasala ang mga dating pulis na sina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz. Bukod sa life imprisonment, pinagbabayad din sila ng P275,000 bilang danyos.
Pinatay ng tatlong pulis si Kian dahil sa hinalang nagtutulak ng droga. Nakaluhod na pinatay ang tinedyer sa kabila na nagmamakaawa ito. Tatlong tama ng baril sa ulo ang ikinamatay ni Kian.
Ang hatol sa tatlong pulis ay magsilbing aral sana sa iba pang alagad ng batas na mistulang “asong ulol” dahil sa utos ng nakatataas sa kanila. Binigyan sila ng lisensiya para pumatay.
Naging marahas ang mga pulis habang ipinatutupad ang drug campaign ng Duterte regime. Hindi naman nakapagtataka dahil may reward system na pinatutupad. Mas maraming mapapatay na drug suspect, malaki ang pabuya. Isiniwalat ito ni dating police colonel at PCSO manager Royina Garma sa pagdinig ng House Quad Committee noong 2024. Itinuro ni Garma si Duterte na nasa likod ng mga pagpatay.
Sa pagkakapatibay ng SC sa hatol sa tatlong pulis sa Kian murder, sana pagtibayin din ang hatol sa pumatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman sa Caloocan City noong 2017. Tinorture at tinaniman ng ebidensiyang shabu ang dalawang kabataan bago binaril. Ang bangkay ni De Guzman ay sinunog pa at saka tinapon sa Nueva Ecija. Nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang killer na pulis na si Patrolman Jeffrey Perez. Ang kanyang kasamahang pulis ay namatay habang nakakulong. Sana ganito rin ang kalabasan ng kaso nina Arnaiz at Kulot.
Marami pang biktima ng extrajudicial killing (EJK) sa bansa. Ano na nangyari sa pagpatay kina Jemboy Baltazar, 17, ng Navotas at Lenin ng Camarin, Caloocan. Naghahanap din sila ng hustisya. Hindi natatahimik ang kanilang kaluluwa.
- Latest















