Mura sa simula, pero mahal ang kapalit
Sa panahon ngayon, isang click lang ang pagitan ng biyahe at aberya.
Tatlong pasahero ang nasabat sa Caticlan Airport dahil sa umano’y paggamit ng pekeng credit card para mag-book ng flight ng Cebu Pacific at sa ilegal na bentahan ng travel funds sa social media.
Galing silang Davao, nagbakasyon sa Boracay, at pauwi na sana nang sila’y harangin ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon, katuwang ang Philippine National Police. Pero lampas na ito sa isang simpleng kaso ng panloloko.
Isa itong malinaw na paalala kung gaano kadaling mabiktima ang ordinaryong biyahero sa panahong halos lahat ay online na.
Hindi na bago ang eksenang ito: may magpo-post ng “promo,” may magme-message ng “last slot,” at may mangangakong “legit, sir”.
Sa una, mukhang tipid. Sa huli, mapapamura ka hindi dahil mura, kundi dahil nabudol ka.
Tama ang paalala ng Cebu Pacific: mag-book lamang sa opisyal na website, mobile app, o sa mga accredited na travel agency.
Hindi ito simpleng patakaran ng airline. Ito ay proteksiyon para sa pasahero.
Kapag pumatol sa hindi awtorisadong seller, malinaw ang posibleng mangyari: kulang o walang ticket, hindi makapag-check-in, walang refund, walang rebooking, at walang habol.
Bayad ka na, pero hindi ka sigurado kung makakalipad ka.
Masaklap dito, kadalasan ang nabibiktima ay hindi mga manloloko, kundi mga taong gusto lang makauwi, makapagbakasyon, o makasama ang pamilya.
Pero sinasamantala ang kagustuhang makatipid, at doon pumapasok ang mga sindikatong bihasa sa panlilinlang.
Ang aral ay hindi kumplikado. Sa biyahe, huwag mag-shortcut.
Dahil sa bawat “murang alok” na hindi dumaan sa tamang channel, may kapalit na stress, gastos, at minsan—kahihiyan.
Hindi lahat ng mura ay panalo.
At sa eroplano, isang maling booking lang ang pagitan ng bakasyon at bangungot.
- Latest




















