Barangay ‘kupitan’ dapat imbestigahan
KAMAKAILAN, naging mainit na paksa ng mga komentatista sa local radios itong kaduhapangan ng isang barangay official sa Capiz. Mas inuna pa ng isang kagawad ang sarili sa pagkuha ng ayuda sa Department of Social Welfare Development. Anyare Kagawad?
Inuna ng kagawad ang sarili gayong kitang-kita mo naman sa kanyang mga mata ang paghihirap at kagutuman ng kanyang mga constituent. Aywan ko lang kung inimbestigahan na ito ni DSWD Sec. Rex Gatchalian?
Samantala, sa Panay, Capiz kahanga-hanga ang ipinakitang aksyon ni Mayor Jonathan Besa sa kanyang mga constituent. Hindi nito tinanggap ang ayudang ipinagkakaloob sa mga nabahaan.
Nalaman ko na kulang umano ang ayuda na naipagkaloob sa mga constituent ni Besa. Karamihan na mga kabahayan ay nakatirik sa palayan at palaisdaan. Kaya nang bumagyo ay nalubog ang mga ito at nawalan sila ng kabuhayan.
Kaya, kung marami ang tumuligsa noon kay Besa, marami naman ang humanga sa kanyang kagitingan ngayon.
Samantala, sa Iloilo City, 13 barangay officials ang napipintong sampahan ng mga kaso matapos ireklamo ng kani-kanilang constituents. Tinapyasan kasi ng mga ito ang ayudang ipinamudmod ng DSWD. Alam umano ito ng mga alipores ng barangay chairmen na kakutsaba raw mismo ang mga taga-DSWD.
Kaya ang maipapayo ko kay DSWD Sec. Gatchalian, ihulog na lamang sa ATM ang mga ayudang pera upang hindi na dumaan sa kamay ng mga barangay “kupitan”.
- Latest















