EDITORYAL — Problemang hated ng Dolomite Beach

SA halip na makabuti at makaganda, nakasama pa ngayon ang Dolomite Beach na itinuturong dahilan ng pagbaha sa mga kalsada sa Maynila. Ginastusan ng P389 milyon ang Dolomite Beach bilang bahagi ng Manila Bay Beautification Project subalit lumalabas ngayon na nasayang lamang ang perang ginastos sapagkat nagdudulot ng problema sa Maynila gaya nang pagbaha. Tuwing uulan, bumabaha agad sa Padre Faura, Remedios at Taft Avenue.
Ang mga problemang ito ang nasilip ng House Committee on Public Accounts kaya magsasagawa ng imbestigayon na itinakda sa Nobyembre 17. Ayon kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, bukod sa mga pagbaha na nangyayari sa Maynila aalamin din ng komite kung kailangan ba talaga ang proyekto alinsunod sa Manila Bay Sustainable Development Master Plan gayundin ang mandamus ruling ng Supreme Court sa rehabilitation ng Manila Bay.
Sinabi pa ni Ridon na sisilipin din ng komite ang mga alternatibong pamamaraan o solusyon para paigtingin pa ang paglilinis, rehabilitasyon at pagpepreserba sa Manila Bay.
Problema ang baha sa Maynila na lalo pang lumala dahil sa ginawang pagtatambak sa bahagi ng Manila Bay. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), kapag tag-ulan, hindi raw kayang ilabas ang tubig-baha kaya naiipon sa Padre Faura, Remedios, Taft Avenue. Isinara ang Estero San Antonio Abad. Dapat daw mabuksan ang mga drainage outfall tuwing tag-ulan at nang mabilis na lumabas ang tubig.
Nasayang ang perang ginastos sa Dolomite Beach—ito ang suma total. Sa kasalukuyan, hindi na kaakit-akit ang Dolomite Beach sapagkat naging hantungan ng sari-saring basurang plastic—sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, cup ng noodles, plastic bottle ng softdrinks at iba pa. Ang mga basura ay iniluwa ng mga ilog, sapa at estero sa Manila Bay. Ginawang basurahan ang Dolomite Beach na ginastusan nang malaking pera.
Ginawa ang Dolomite Beach noong 2021 bilang bahagi ng beautification project ng Duterte administration. Tinambakan ng puting buhangin na binili pa sa Cebu. Hinakot ng barge ang mga puting buhangin.
Binatikos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa anila’y magastos na pagpapaganda sa Manila Bay lalo ang Dolomite Beach na hindi naman pinakikinabangan at naging sadlakan ng basura.
Mas mabuti pa sana na ang perang ginastos sa Dolomite Beach ay ginamit sa pagpapatanim ng bakawan. Ang bakawan ay mabisang proteksiyon sa dalampasigan at nagiging tirahan din ng mga isda. Nasayang ang pera sa Dolomite Beach.
- Latest




















