‘Paihi’ gang, matinding hamon kay Sec. Remulla!
‘MAPUPULA na naman ang hasang ng mga sindikato ng “paihi” sa Calabarzon area. Why o why? Humahangos kasi na nag-report ang mga kosa ko at nagsasabing nagbukasan ang mga “paihi”, tatlong araw matapos ma-raid ang bodega nila sa Candelaria, Quezon at sa San Pedro, Laguna. Araguyyy! Hingi-huli lang pala!
Milyones talaga ang kinikita nitong mga “paihi” gang at malaki siguro ang weekly payola nila kaya’t wala silang respeto sa mga tauhan ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. Anong sey n’yo mga kosa?
Tiba-tiba na naman ang ‘paihi” financiers, lalo’t tataas na naman ang presyo ng krudo at gasolina sa araw na ito. Anong sey mo the winning bidder Sgt. Paquito Chan Sir?
Ang patuloy na operation ng “paihi” ay makapagdagdag pabulusok sa gumagandang imahe ng pulisya sa liderato ni Nartatez, di ba mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Para sa kaalaman ni Nartatez, ang hindi natinag-tinag na “paihi” operations ay ang kay alyas Emerson at partner na si Bgy. Capt. Timmy sa Sta. Catalina at Pagbilao sa Quezon at sa San Pascual sa Batangas. Sa Lucena City ang financiers ay sina Erick at Troy, sa Tiaong si alyas Roy, sa Talisay si Charlie, sa San Pablo si Mark at sa Tuy naman ay ang amo ni Medick Ferrer na si Egay Flores.
Hindi naman tago ang operations nitong “paihi” gang dahil mahaba ang pila ng tanker sa gilid ng kalsada malapit sa mga bodega nila. Kaya lang hindi naispatan ito ng mga bataan ni Nartatez. Magkano….este paano? Mga bulag, pipi at bingi ‘ata ang mga provincial directors ng Batangas, Quezon, at Laguna sa mga “paihi” operations o maliwanag lang na nakikinabang sila.
Kung ipinagmamalaki ni Col. Geovanny Sibalo, ang PD ng Batangas na nangako s’ya kay Gov. Vilma Santos na linisin ang probinsiya ng lahat ng klaseng illegal eh bakit hindi n’ya maikumpas ang kamay na bakal niya laban sa paihi? Dipugaaa! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Nagulat pa si Calabarzon police director Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas nang tanungin ko siya kung bakit nagbukasan na naman ang “paihi” matapos niyang iutos na isara ang mga ito. “Ha? Tsismis ‘yan. Hayaan mo manghuli uli tayo,” ani Lucas.
Tumawa pa si Lucas nang sabihin ni Dipuga na hihintayin nito ang aksiyon niyang muli kontra sa “paihi” na hindi lang ang mga pulis, at pulitiko ang niloloko kundi maging ang mga bigtime oil players na Caltex, Petron at Shell. Tsk tsk tsk!
Hindi pa humuhupa ang galit ng taumbayan sa nakawan sa flood control projects sumali pa itong sindikato sa gasolina at krudo. Mismooooo! Adulterated na ang ipinapasa ng “paihi” gang na produkto ng Petron, Caltex at Shell sa mga gasolinahan. Ang sakit sa bangs nito!
Panahon pa para tuldukan ni Nartatez ang “paihi” gang dahil maliwanag pa sa sikat ng buwan, dahil gabi sila mag-operate, na economic sabotage ito. Hindi maaasahan ang Department of Energy dahil buwanan ang mga ahente nila omorbit dito. Purbidang yawaahh!
Matinding hamon sa liderato ni Interior Sec. Jonvic Remulla ang “paihi” gang? Kung sabagay, dating gobernador ng Cavite si Boss Jonvic at tiyak alam niya ang kalakaran ng sindikato. Kaya mo ‘yan Boss Jonvic. Abangan!
- Latest

















