^

PSN Opinyon

Mamamayan ang ginto ng Abra hindi mina

GO NORTH - Artemio Dumlao - Pilipino Star Ngayon

SA tuwing maririnig ang salitang “mining,” laging dalawang mukha ang lumilitaw — ang pangako ng kaunlaran, at ang banta ng pagkasira. Sa kaso ng Yamang Mineral Corporation (YMC) sa Abra, tila mas malinaw kung alin ang nangingibabaw.

Apat na bayan — Sallapadan, Licuan-Baay, Lacub, at Ma­­lib­cong — ang saklaw ng higit 16,000 ektaryang exploration permit ng YMC, isang subsidiary ng U.K.-based Metals Exploration PLC. 

Sa unang tingin, maaaring sabihing magandang balita na mayroong dayuhang puhunan, trabaho, at pangakong ka­unlaran. Ngunit sa likod nito’y, naroroon ang paulit-ulit na tanong na hindi kailanma’y nasasagot: Kanino ba talaga ang pakinabang ng pagmimina?

Kung babalikan natin ang kasaysayan ng Cordillera, paulit-ulit na lumalaban ang mga katutubo laban sa mga proyekto ng pagmimina na isinasagawa, karaniwa’y walang tunay na pahintulot ng apektadong komunidad.

Ngayon, muling ipinapaalala ng mga Tingguian ng Abra — partikular ng sub-tribong Masadiit — na hindi simpleng pirma o permit ang kailangan. Ang mahalaga ay ang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), ang karapatang nakasaad sa Indi­genous Peoples Rights Act (IPRA).

Ngunit kahit malinaw ang batas, tila may mga kompanyang patuloy na sumusubok na balewalain ito. Ang cease order ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP-Cor­dil­lera) noong Setyembre ay malinaw na mensahe: hindi basta-basta puwedeng manghimasok sa lupang ninuno.

Ang pagtutol ng mga lokal na lider, simbahan, at ng mismong Cordillera cluster ng National Anti-Poverty Commission ay dagdag na patunay na hindi sapat ang mga “social engagement” ng kompanya para masabing may pahintulot na sila.

Madaling sabihin na ang pagmimina ay daan tungo sa pag-unlad, ngunit sa mga bundok ng Abra, mas alam ng mga tao ang tunay na halaga ng kalikasan. Ang tubig mula sa ilog Malanas at Baay ay hindi lang likido — ito ang dugo ng komu­ni­dad, pinagmumulan ng buhay at kabuhayan. Kapag ito ay nasira, kahit milyong piso ang pumasok, hindi na maibabalik ang nawalang ginto ng kalikasan.

Kung tunay na nagnanais ng “responsableng pagmimina” ang YMC, dapat nilang simulan sa pinakaimportanteng aral ng lahat — ang pakikinig. Sapagkat sa huli, hindi ang mga mi­ne­ral ang magtatakda ng kinabukasan ng Abra, kundi ang mga taong naninindigan para sa kanilang lupa, tubig, at karapatan.

Ang tunay na ginto ng Abra ay hindi ang nasa ilalim ng lupa — kundi ang mamamayan na ipinagtanggol ang kanilang lupang kinagisnan.

* * *

Para sa comment, i-send sa: [email protected]

CORPORATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with