Pananakit sa bata
KASO ito ni Mila, elementary teacher. Isang araw, bago magsimula ang klase habang nagpapahinga si Mila sa sofa, isa sa kanyang mga estudyante, si Brando ay biglang pumasok sa kuwarto at natamaan ang binti ni Mila na gumising kay Mila. Tinanong ni Mila si Brando bakit niya ginawa ito. Ngunit hindi sumagot si Brando. Kaya kinurot ni Mila si Brando at hinatak siya sa kilikili. Dahil dito natumba si Brando at tumama ang ulo sa sahig at nawalan ng malay. Muli niyang hinatak si Brando at ulit-ulit na inuntog sa sahig hanggang umiyak na ang bata.
Pagkaraan ay nagturo na si Mila. Noong “lunch break”, si Brando ay umuwi at dalawang kaklase niyang si Lina at Nina ay hinatid siya pauwi. Sinabi nila kung ano ang ginawa ng guro kay Brando. Kaya dinala ng nanay at tiya niya si Brando sa barangay captain na sinabihan silang ipagamot ito sa doktor. Kaya dinala si Brando sa ospital kung saan sinuri siya ni Dra. Cristy. Ni-report din nila sa pulisya ang ginawa kay Brando. Ayon sa medical certificate si Brando ay napilay at hindi na makalakad nang tuwid. Kaya kinasuhan si Mila ng “child abuse” sa RTC. Sa paglilitis tumestigo si Brando at Doctora Cristy. Sinabi ni Mila na kusa at sadya ang ginawa niyang pananakit kay Brando o pag-abuso rito. Ang ginawa raw niya ay upang disiplinahin lang si Brando.
May sala si Mila ayon sa RTC at sinentensiyahang mabilanggo ng apat na taon, dalawang buwan at isang araw, hanggang anim na taon. Kinumpirma ito ng CA. Umapela si Mila sa Supreme Court (SC) at giniit niyang dinidisiplina lang niya si Brando. Pero ayon sa SC, kahit na maaaring magdisiplina si Mila bilang guro sa mga estudyante, ang kanyang ginawa kay Brando ay hindi maituturing na pagdisiplina lamang. Dito ay nahilo pa si Brando at nawalan ng malay. Ang ginawa ni Mila ay sobra-sobra na at napakasakit. Malinaw na napatunayan na si Mila ay maysala. Ang kanyang ginawa ay pang-aabuso at pagpapahiya sa dignidad ng isang tao. Sa katunayan, nagkasala na si Mila nito na nagpapakita na mahilig talaga siyang manakit ng bata (Rosaldes vs. People, G.R.173988, October 8, 2014).
- Latest




















