San Roque Dam, ligtas pa ba para sa mamamayan?
DALAWAMPUNG taon na ang nakararaan mula nang itayo ang San Roque Multi-Purpose Dam sa San Manuel, Pangasinan—noo’y pinangalandakang simbolo ng pag-unlad sa Northern Luzon.
Layunin sa pagtatayo ng dam na makapagbigay ng kuryente, patubig, suplay ng tubig, at higit sa lahat, kontrol sa pagbaha.
Ngunit ngayon, taun-taong lumulubog sa baha ang ilang komunidad sa Pangasinan. Ang tanong ngayon: ligtas pa ba ito para sa mamamayan?
Sa bawat pananalasa ng bagyo, tila naging karaniwan na ang pagbaha sa mga bayan sa ibaba ng dam.
At paulit-ulit na paliwanag ng mga awtoridad: kailangang magpakawala ng tubig upang maiwasan ang pagkasira ng dam. Subalit habang pinoprotektahan ang dam, sino ang nagpuprotekta sa mga tao?
Noong nakaraang Hulyo at Agosto ng taong kasalukuyan, ilang ulit binuksan ang mga gate ng dam dahil lumampas ito sa kritikal na antas.
Habang sinasabing “maingat” ang mga pagpapakawalang ito, idinagdag naman nito ang tubig sa mga ilog na una nang napuno dahil sa ulan at mula sa ibang dam. Ayon sa DPWH at Asian Development Bank, kasalukuyang nire-review ang flood control master plan ng Agno River Basin.
Ngunit kulang pa rin sa datos: gaano kalaki ang epekto ng dam releases sa pagbaha? Transparent ba ang mga pamantayan kung kailan at gaano karaming tubig ang pinalalabas?
Hindi ito simpleng isyu ng inprastruktura—ito ay usapin ng kaligtasan. Kung ang isang dam na itinayo para magligtas ay nagdudulot na ngayon ng peligro, panahon nang muling suriin ang mga patakaran nito.
Karapatan ng mga Pangasinense ng sapat, malinaw, makatao, ngunit hindi luma at mapanganib na solusyon sa pagbaha.
Panahon na.
* * *
Para sa komento, i-send sa: [email protected]
- Latest















