^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Handa ba sa ‘The Big One’?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Handa ba sa ‘The Big One’?

Nadadagdagan ang bilang ng mga namatay sa magnitude 6.9 earthquake na tumama sa Bogo City, Cebu noong Martes, dakong alas diyes ng gabi. Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), nakatanggap sila ng report na umakyat na sa 60 katao ang namatay sa lindol. Ang sentro ng lindol ay naitala sa Bogo City. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala na sila ng 600 aftershocks. Isinailalim na sa state of calamity ang Cebu.

Viral sa social media ang video habang niyayanig ng lindol ang isang tulay sa Cebu City na mistulang dinuduyan. Sa simula ay mahina ang yanig at patuloy ang mga motorista sa pagtawid sa tulay pero nang luma­kas, itinabi na ang mga sasakyan at naupo sa gutter ng tulay ang mga motorista. Ang ilan sa sobrang takot ay hindi malaman kung tatayo o uupo. Ang ilan ay dumapa sa semento.

Nag-viral din ang kuha sa isang bahay na hindi ma­laman ng mga residente kung ano ang gagawin. May tumatakbo palabas at saka papasok sa silid. May mga nag-panic at hindi malaman kung saan susulong. Ang ilan ay halatang nagising dahil sa pagyanig.

Tuwing tumatama ang lindol, ang unang naitata­nong ay handa ba ang mamamayan ukol dito. May gina­gawa bang earthquake drill o may kampanya ba kung ano ang mga gagawin sakaling tumama ang lindol na gaya nang nangyari sa Cebu. Ang pagpa-panic habang tumatama ang lindol ang kadalasang dahilan kaya may mga namamatay. Mas nauuna ang pagkatakot kaysa maging kalmado at alerto.

Nararapat pang paigtingin ang earthquake drill sa mga government offices, hospitals, schools at iba pa. Kailangang maging handa sa pagtama ng lindol lalo na sa tinatawag na “The Big One”. Kung ang 6.9 magnitude na tumama sa Cebu ay nagdulot ng pagpa-panic, paano pa kung “The Big One” ang tumama?

Nagpaalala na noon pa si Phivolcs Director Teresito Bacolcol na kapag tumama ang magnitude 8.4 na lindol, posibleng magdulot ito ng tsunami na 10 metro ang taas sa ilang lugar. Noong 2023, sinabi ni Bacolcol na kapag tumama ang “The Big One” sa Metro Manila, posibleng mamatay ang 34,000 katao.

May kahandaan ba ang gobyerno sa pagtama ng “The Big One”? Kapag tumama ito, mayroon bang mga plano kung paano at saan e-evacuate ang mga tao. May gagabay ba sa mga tao kung saan pupunta o mag­daraan kapag tumama ang lindol?

Marami nang lindol ang tumama sa Pilipinas at nakita ang pagkakagulo ng mga tao sa halip maging kalmado. Hindi na naalala ang duct, cover and hold. Paigtingin ang pagdaraos ng earthquake drill sa mga tanggapan ng gobyerno, school, ospital at mga pribadong tanggapan. Dapat maging handa ang lahat sa pagtama ng lindol. Huwag mag-panic.

CEBU

BOGO CITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with