^

PSN Opinyon

Lisensiya para sa pandarambong

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

NANG alisin ang lifestyle check, lumakas ng loob ng mga tiwaling opisyal. Ang kaban ng bayan, mistulang naging bukas na banko ng iilan.

Noong may lifestyle check, kahit papaano’y may pangi­nginig sa tuhod ang ilang nasa gobyerno. Alam nilang kung biglang sumulpot ang mansion, luxury car, o negosyo na parang ginayuma mula sa manipis na sweldo, may magtatanong. May bantay. May kaba. Kahit paano’y may preno.

Pero nang dumating ang panahong inalis ni dating Chief Ombudsman Samuel Martires ang lifestyle check, doon nag­simula ang tila pagsabog ng kapal ng mukha sa pamahalaan.

Para bang biglang nagkaroon ng “lisensiya” ang mga tiwa­ling opisyal na magyabang ng kanilang yaman. Ang dating tinatago sa ilalim ng mesa, ngayo’y hayagan nang inilalapag sa gitna ng hapag.

Ano ang ibig sabihin nito? Simple lang kung walang bantay, walang takot. At kapag walang takot, tuluy-tuloy ang panda­rambong. Hindi na ito haka-haka kita na sa paligid mga opis­yal na mahina ang suweldo pero biglang parang hari kung gumasta.

May mga proyektong pinopondohan ng buwis ng taumbayan, pero tila ba mas maraming napupunta sa bulsa kaysa sa tunay na serbisyo.

Ang mas masakit, tila nagkaroon ng kultura ng pagwa­walang-bahala. Habang milyun-milyon ang mga Pilipinong nagugutom at nagtitipid, may mga opisyal na walang pakun­dangan sa luho.

At dahil tinanggal ang lifestyle check, lumalabas na wala na ring mabisang mekanismo para awatin sila. Ang mensahe sa publiko “Kung makalusot ka, bahala na.”

Kung hindi maibabalik ang lifestyle check o mas mabuting­ palitan ito ng mas istriktong mekanismo para na rin nating sina­sabi sa mga magnanakaw sa gobyerno “Sige, tuloy niyo na. Walang hahabol sa inyo.”

Hindi ito usapin ng simpleng polisiya lamang. Usapin ito ng dignidad ng serbisyo publiko at kinabukasan ng bansa. Habang walang malinaw na disiplina at takot sa pananagutan, ang kaban ng bayan ay mananatiling bukas na bangka na unti-unting lumulubog dahil sa walang tigil na pagbutas ng mga nasa loob mismo ng barko.

Kung patuloy na hahayaan ang ganitong sistema, huwag na tayong magtaka kung bakit ang Pilipinas ay hindi makaahon-ahon. Ang gobyerno na dapat nangunguna sa integridad, siya pa ang una sa listahan ng mga dapat bantayan.

Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda. Layunin nitong pukawin ang diskurso tungkol sa pananagutan at reporma sa gobyerno, at hindi ito akusasyon laban sa sinumang partikular na tao maliban sa mga opisyal na hayagang binanggit batay sa pampublikong tala.

LISENSYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with