EDITORYAL — Ipakulong ang mga mandarambong

NAHALUAN ng kaguluhan ang protest rally noong Linggo. Hindi inaasahan ang panggugulo ng mga kabataan na halata namang inorganisa para ilihis ang tunay na layunin ng protesta. Biglang gumawa ng senaryo at sinunog ang trailer truck at pati ang mga nakaparadang motorsiklo ng mga pulis ay hindi pinatawad.
Ang matindi ay ang ginawang pagsira sa isang establishment na pinagnakawan pa umano. Naghatid ng takot sa mga customer ng establishment ang nangyari. May mga stoplight na sinira, pininturahan ang pader at pati na ang center island sa Recto Avenue.
May mga pulis na tinamaan ng basag na bote at may mga hinampas ng kahoy ng mga kabataang tila wala sa sarili. Nang mahawi ang usok na dulot ng teargas na inihagis ng mga pulis para mapigilan ang pagwawala ng mga kabataan, marami ang naaresto at dinala sa MPD headquarters. Pawang mga menor-de-edad ang nadakip. Parang may iskrip na pawang mga menor-de- edad ang isinalang na manggulo para hindi makasuhan at makalusot sa kaso. Hanggang sa kasalukuyan, nakakulong pa ang mga nanggulong kabataan at inihahanda ang ikakaso sa kanila.
Subalit ang kaguluhan sa Mendiola ay hindi nakapigil sa mga nagprotesta sa EDSA at pinanawagan ang pagpapakulong sa mga kumurakot ng pondo para sa flood control projects. Marami ang nakiisa at nanawagan na pagbayarin ang mga sangkot sa anomalya.
Maraming kabataan, manggagawa, artista, drayber at iba pang maliliit sa lipunan ang dumalo at nanawagan kay Presidente Marcos Jr. na ipakulong ang mga magnanakaw.
Sinabi ni It’s Showtime host Vice Ganda kay Marcos, Jr. na kung nais nitong magkaroon ng legasiya ang kanyang pangalan, ipakulong ang mga magnanakaw. Ayon kay Vice, ang taumbayan ang “employer” ni Marcos at iba pang opisyal ng pamahalaan kaya dapat nitong sundin ang iuutos ng sambayanan. Ayon pa sa komedyante, nakatuon ang mata ng publiko sa mga kilos ng Presidente kaya inaasahan nilang gagawin nito ang nararapat na pagpapakulong sa lahat ng magnanakaw sa pamahalaan. Nanawagan din si Vice sa pamahalaan na ibalik ang death penalty para sa mga korap na pulitiko.
Napakasuwabe ng panawagan sa pamahalaan na parusahan ang mga nagkamal ng yaman. Huwag silang patawarin. Hindi sila dapat kaawaan.
Hindi lamang si Vice ang nananawagan sa pagkakataong ito kundi lahat ng mamamayan na nagsasawa na sa pangungurakot. Ipatikim na sa kanila ang lupit ng parusa.
- Latest















