^

PSN Opinyon

Sino ba Talaga ang sinungaling?

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

NAKASUSUYA na talaga. Araw-araw tayong binabaha hindi lang ng ulan kundi ng iba’t ibang alegasyon, ghost projects daw dito, corruption daw doon. At gaya ng dati, tayong mga mamamayan ang ginagawang taga-panood ng sabong ng mga opisyal at eksperto. Sa isang sulok, may gobyernong mahilig magpalutang ng kuwento ng “ghost projects” na para bang laging may multo sa bawat kontrata. Sa kabilang sulok, may mga auditor mula sa Pilipinas at Australia na mismong bumaba sa lupa, sumuot sa putikan, at nagsabing: wala pong ghost project dito.

Hindi basta-basta ang grupong nagsuri. Pinamunuan ni Annabelle Tungol ng Artea Green Ventures, na may training sa certified Examplar Global and Approved by NSW Transport Auditor, at kasama pa ang apat pang eksperto dalawa mula sa Australia, dalawa mula sa Pilipinas. Hindi ito press release na gawa sa opisina; ito ay aktuwal na inspeksiyon sa flood control projects ng Naujan, Oriental Mindoro. Nakita nila ang mga dike, espalanada, erosion protection, pati na solar lights. Nakita nilang may mga istrukturang nakatayo, ginagamit, at aktuwal na pinakikinabangan.

Ang masakit? Hindi ito perpekto. Mismong mga auditor na ang umamin na may safety issues at ilang dapat ayusin sa construction methods. Pero maliwanag: hindi ito multo, hindi drawing, at lalong hindi “powerpoint project” lang na inimbento para may mailagay sa budget. Kung tutuusin, mas nakakarespeto pa ang report na nagsasabing may kulang pero may konkretong resulta, kaysa sa gobyernong mahilig magyabang ng purong “achievement” kahit wala namang laman.

Ngayon, balik tayo sa mas malaking tanong: sino ang dapat paniwalaan? Ang gobyerno na halos automatic na kaakibat ng salitang “katiwalian”? O ang mga auditor na walang pakialam kung sisikat sila o hindi, basta maipakita lang nila kung ano ang totoo? Kung tao ang pagbabasehan, madaling pumili. Dahil ang perang ginastos dito ay hindi numero lang sa budget iyan ang pondo para hindi tangayin ng baha ang mga kabahayan, palayan, at mismong buhay ng komunidad.

Kapag may ghost project nga, hindi lang pera ang ninanakaw. Ninakaw din ang tiwala, ninakaw ang kaligtasan, at ninakaw ang dignidad ng tao. Kaya’t kung mali ang gobyerno sa pagsigaw ng “multo”, dapat nilang akuin ang kahihiyan. Pero kung tama sila, dapat nilang ilatag ang ebidensiya nang mas malinaw, hindi puro satsat. Ang problema kasi, sanay na sanay na silang magsalita, pero madalang magpakita ng pruweba. Kaya kahit may katotohanan pa silang sinasabi, hindi na sila pinapansin ng madlang Pinoy. Kung tutuusin, ang tunay na multo dito ay hindi ang proyekto. Ang multo ay ang kawalan ng tiwala ng madlang Pinoy sa gobyerno. Isang halimaw na sila rin mismo ang lumilikha, araw-araw, sa paulit-ulit na kasinungalingan, pagkukubli, at pagmamagaling. At huwag nating kalimutan, sa bawat kuwento ng multo, may palaging nasasaktan. Hindi opisyal, hindi contractor, kundi karaniwang Pilipino.

Sa dulo, simple lang ang dapat, kung may proyekto, ipakita. Kung wala, kasuhan. Kung may pagkukulang, ayusin. Hindi kailangan ng drama, hindi kailangan ng press con na puno ng satsat. Dahil habang nagtuturuan ang mga may kapangyarihan, patuloy na binabaha ang bayan at patuloy na binabaha ng galit ang sikmura ng taong bayan.

NSW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with