EDITORYAL - ‘Ghost public schools’

Kung mayroong ghost flood control projects tiyak na mayroon ding “ghost public schools” at classrooms. Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) din pala ang gumagawa ng mga pampublikong paaralan. Kabilang pa sa mga ginagawa ng DPWH ay ang mga kalsada, tulay at ang kontrobersiyal ngayong flood control projects.
Kung nagkapera ng limpak ang mga matatakaw na DPWH officials, kontratista, kongresista at mga senador sa flood control projects, tiyak na kumita rin sila sa konstruksiyon ng mga pampublikong eskuwelahan. Bumaha rin ng pera rito. Subalit ang nakapagtataka, taun-taon ay may shortages sa mga classroom. Sa tuwing magbubukas ang klase, laging problema ang kakulangan sa classroom. Marami pa ring estudyante ang siksikan na parang sardinas sa silid-aralan. May mga nagdaraos ng klase sa lobby ng school at ang masaklap sa ilalim ng punongkahoy sa bakuran ng school.
Ngayong school year 2025-2026, tinatayang 165,000 classrooms ang kulang ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara. Isa sa pinakanakagigimbal na inihayag ni Angara ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tumatanggap ng pondo para sa pagpapagawa ng mga pampublikong eskuwelahan. Ayon pa kay Angara, ang partisipasyon ng DepEd ay ang pagtatakda ng pangangailangan sa mga silid-aralan, pagbibigay ng disenyo at safety standards at pagpu-programa ng pondo. Ang DPWH umano ang naghahanda ng mga gastusin, bumibili ng mga materyales, at namamahala ng konstruksiyon kaya sa kagawaran ibinibigay ang pondo.
Malinaw na kaya malaki ang kakulangan ng mga eskuwelahan at silid-aralan mismo ay dahil DPWH ang nangangasiwa sa pagpapagawa ng mga ito. Tiyak na palpak ang pagkakagawa ng mga school sapagkat kinurakot ang pondo. Maaaring nakuha na ng contractor ang pondo kahit hindi pa tapos ang proyekto. Nagkamal na ang contractor sa pakikipagkutsabahan sa mga masisibang DPWH officials at mga pulitiko.
Ngayong naglutangan na ang mga anomalya sa DPWH, nararapat nang alisin sa ahensiyang ito ang pangangasiwa sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan. Hindi na dapat payagan ang DPWH na solong magpagawa ng paaralan. Delikado ang mga proyektong inookupa ng DPWH na pawang palpak. Maaring maguho sapagkat tinipid ang materyales. Maraming estudyante at guro ang mamamatay.
- Latest















