^

PSN Opinyon

Isumbong ang mga ghost flood control project

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

WALANG kabusugan ang mga opisyal ng pamahalaan na sumasagpang ng pera na binabayad ng taxpayers. Nakita ito sa isinasagawang imbestigasyon ng House of Representatives at ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomal­yang flood control project.

Sa pag-iimbestiga ng Senado noong Lunes, inamin ng sini­bak na si District Engineer. Henry Alcantara na nagka-casino umano siya kasama ang dalawa pa niyang engineers. Guma­gamit umano sila ng ibang pangalan upang makapasok lamang sa casino. Nagpapatalo sila ng milyong piso sa casino.

Nang inspeksiyunin ni President Marcos Jr., ang flood control project sa Bulacan, bumulaga sa kanya na walang ginawa o “ghost project” sa lugar. Ang masakit, binayaran na ito ng pama­halaan. Kahit siguro si Satanas ay mangingiming tanggapin ang mga ito dahil sa sobrang kasibaan at kasamaan.

Dahil sa ginawa nilang pangungurakot, lubog sa baha ang mga kabahayan at pati mga pananim sa Bulacan. Habang prob­lemado ang mamamayan na nalulubog sa baha, ang mga mag­kakakutsabang contractors at DPWH officials ay lubog naman sa perang nanakaw sa kaban ng bayan.

Napag-alaman ko na may mga kasabwat ding buwaya mula sa Commission on Audit at mga kongresista. Pinaghahati-hatian nila ang malaking pondo para sa flood control project.

Sa pagsisiwalat ni Sen. Panfilo Lacson, walang itinayong proyekto ang mga gahamang kontratista. Wala rin namang taga-DPWH na nag-iinspeksiyon sa mga proyekto. Nagkutsabahan talaga ang mga walang hiya. Kung matatandaan, ang mga kurakot sa DPWH ang pinaringgan ni PBBM sa kanyang SONA noong Hulyo 28. Tahasang sinabi ni Marcos: “Mahiya naman kayo sa mga kababayang nalubog ang mga bahay sa baha!”

Pero todo tanggi ang mga pulitiko. Wala raw silang nata­tanggap na campaign contribution. Pero sa pagdinig ng Kamara inamin ng isang contractor na nagbigay siya para sa campaign ng isang senador noong 2022. Ganunman, personal na pera raw niya ang binigay sa senador na tinukoy niyang si Chiz Escudero.

Grabe na talaga ang nangyayaring kasibaan. Makakapal na talaga ang mga mukha ng mga pulitiko dahil sila rin ang nag-iimbestiga sa ghost flood control project.

Panahon na para magkaisa ang mamamayan. Kung may nalalaman ang sinuman sa mga palpak o hindi natapos na flood control project, ituro n’yo na o isumbong sa Pangulo.

Sa ganitong nangyayari na sobra nang talamak ng korapsiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan, magbabalik ang taong bayan sa kalye upang ipagsigawan ang pagnanakaw sa bayan.

At nangyayari na ang naiisip ko. Kamakalawa, sinugod ng mga galit na mamamayan ang bahay ni Discaya sa Pasig na kinaroroonan din ng maraming mamahaling sasakyan na umaabot sa 28. Pero sabi ni Senator Jinggoy Estrada, nalaman niyang 40 ang mga sasakyan ng Discaya.

Sana naman, meron nang maparusahan sa mga nagpasasa sa kaban ng bayan. Kung walang mapapanagot, palagay ko hindi matatahimik ang mamamayan at magsasagawa ng paglusob sa mga bahay ng inaakusahang contractor.

TAXPAYER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with