EDITORYAL — Bilisan, pag-iimbestiga sa mga sangkot sa anomalya

ANG Pilipinas ay pangatlo sa mga bansa sa Southeast Asia na pinaka-corrupt. Itinurong mga dahilan kaya masyadong malala ang corruption sa Pilipinas ay: 1) Kawalan o kahinaan ng mga government agencies na magkaroon ng internal checks and balances kaya marami ang nahuhulog sa paggawa ng katiwalian. Mabagal ang hudikatura sa case resolutions at maraming napi-pressure dahil sa pulitika; 2) Pangingibabaw ng political dynasties. Mga maiimpluwensiyang pamilya ang nagpapalit-palit sa pamumuno. Dahil magkakamag-anak, ang pagtatakipan sa mga ginawang kamalian ay nangyayari; 3) Hindi naipatutupad ang anti-corruption laws. Maraming malalaking kaso na may kaugnayan sa corruption ang hindi nabibigyan ng resolution. Hindi consistent ang Ombusdman at Sandiganbayan sa pagpaparusa sa mga taong gobyerno na gumagawa ng katiwalian; 4) Madalas na hindi naparurusahan ang mga matataas na opisyal na nakagawa ng corruption; 5) Patuloy ang red tape sa mga tanggapan ng pamahalaan. Laganap ang lagayan at panunuhol. Kailangan ang “padulas” para agad maaprubahan ang nilalakad na dokumento; 6) Vote buying at paggastos nang malaki sa election. Kapag nakaupo na o nanalo, babawiin ang nagastos sa pamamagitan ng pangungurakot; 7) Naniniwala ang maraming Pilipino na ang korapsiyon ay karaniwan na lamang at kasama na ng sistema. Tinatanggap na lamang ito na bahagi ng buhay sa bansa.
Laganap ang katiwalian sa bansa at ang tanging apektado ay ang maliliit o mahihirap. Humahantong ang pondo ng bayan sa bulsa ng mga buwaya na walang kabusugan.
Sinasabi na ang anomalya sa flood control project kung saan 15 kompanya ang nakakopo ng bilyun-bilyong piso ang pinakamalubha sa lahat ng anomalya. Sa pag-iimbestiga ng Senado, lumalabas na nagkaroon ng kutsabahan ang mga kontraktor at ang DPWH officials.
Nagsasagawa na ng pag-iimbestiga ang Senado at House of Representatives kaugnay sa mga maanomalyang proyekto. Nararapat na apurahin o maging madali sa pagkilos ang mga mambabatas at awtoridad sapagkat nagliliparan na umano palabas ng bansa ang mga inaakusahan. Mawawalan ng saysay ang lahat kapag nakalabas na ng bansa ang mga sangkot sa maanomalyang flood control project. Kasamang mawawala ang bilyong pisong kinurakot mula sa kaban ng bayan.
- Latest















