‘Nepo baby’ midnight magic sa gov’t agency
ALAM n’yo bang hindi na bago sa ilang Marites, ang mga kuwentong lumulutang tuwing may pagbabago ng liderato sa gobyerno. At gaya ng dati, may mga bagong pangalan na bigla na lang sumusulpot sa mga sensitibong posisyon. Ika nga, mga pangalang hindi dumaan sa mahabang pila, pero parang may express lane. Hehehe! Isa umanong abogaga ang usap-usapan ngayon sa isang tanggapan ng gobyerno na may tungkuling magbantay laban sa mga iregularidad.
Sabi nga ng ilang Marites, bago pa man magpaalam sa puwesto ang dating pinuno ng ahensiyang ito, may pinirmahang appointment para sa nasabing abogaga. Saktong-sakto ang timing. Parang midnight gift, sabi nga ng ilan. Hindi raw basta-basta ang koneksiyon ng abogagang ito. Ayon sa bulong-bulungan ng ilang Marites, malapit daw sa dating opisyal ng ahensya ang ina niya na isang retiradong huwes.
Sa ibang kuwento pa, matagal na raw may ugnayan ang pamilya sa ilang opisyal ng gobyerno. At sa ilang pagkakataon sa nakaraan, tila hindi rin daw ito ang unang beses na napaboran siya sa trabaho. May nagsasabing dati na siyang napuwesto sa isang tanggapan ng hudikatura, pero hindi raw naging maganda ang performance.
Sa halip na galing at sipag ang naging impresyon, mas tumatak daw ang madalas na pag-leave, lakwatsa, at mga kasong naipon sa mesa. Pero kahit ganoon, ngayon ay nasa bagong puwesto na ulit. Ang tanong ng marami: paano nangyayari ito?
Ang sagot ay hindi na rin bago—nepotismo. ’Yan ang sistemang matagal nang nananahan sa ilang bahagi ng ating gobyerno.
Kapag anak ka ng kilala, may dating ka. Kapag may koneksyon ka, mas mabilis ang asenso kahit hindi ka pa man napatutunayang karapat-dapat. Hindi ko sinasabing masama ang magkaroon ng magulang sa serbisyo publiko. Pero kapag ginagamit ang pangalan o impluwensiya para makapasok sa isang puwesto, kahit may iba pang mas kwalipikado, dito na nagkakaroon ng problema.
Sabi nga, naluluma ang prinsipyo ng patas na laban. Habang libu-libong aplikante ang dumadaan sa masusing proseso, may ilan namang tila laging nauuna kahit nasa likod ng pila. Kung totoo man ang mga kuwentong ito, hindi lang ito kuwento ng isang tao kundi kuwento ng bulok na sistema na kailangan nang baguhin.
DISKLAYMER: Ang mga nakasaad sa artikulong ito ay opinyon at nakabatay sa mga umiikot na ulat at usap-usapan. Hindi ito direktang tumutukoy sa sinuman at anumang pagkakatulad sa tunay na tao ay hindi sinasadya.
- Latest















