Call Center: Trabaho sa abroad o impiyerno?
Nakakalungkot isi-pin na sa kabila ng mga paulit-ulit na babala mula sa gobyerno at media, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nabibitag sa mapanlinlang na alok na trabaho sa mga nagpapakilalang “call center” sa Cambodia, Myanmar, at Laos pero mga scam hub / center pala na sangkot sa malawakang cybercrime sa Southeast Asia. Hindi ba nila nababalitaan ang mga operasyon ng scam centers sa nagdaang mga buwan at taon? O baka narinig na nila pero binabalewala na lang dahil sa kagipitan at pag-asa? O baka natangay talaga sila ng matatamis na pangako ng mga recruiter na nakilala lang sa Facebook o TikTok — tulad ng P50,000 sahod, libreng airfare, visa, tirahan, at “trabahong computer-computer lang”?
Ayon sa Department of Foreign Affairs, nasa 75 Pilipino ang nailigtas sa Myanmar, 30 sa Thailand, 7 sa Laos, at 6 sa Cambodia mula Enero hanggang Hulyo 17, 2025. Samantala, noong Hulyo 13, walong Pilipino ang nasagip ng DMW at NBI mula sa tangkang pagpupuslit sa kanila patungong Cambodia via Vietnam. Lahat sila, ayon sa ulat, ay ide-deploy sana sa mga scam centers.
Base sa mga salaysay ng mga naililigtas, hindi ito simpleng trabaho sa computer. Pinipilit silang mambiktima ng mga banyaga online gamit ang mga pekeng crypto investments, love scams, o phishing schemes. Kapag hindi umabot sa quota, sila ay pinagbabantaan, kinukuryente, ginugulpi, at kinukumpiskahan ng passport.
Ang ilan ay ikinukulong pa sa isang compound.
Kung lehitimo ang operasyon ng mga call center na ito, bakit kailangang ipadala pa sa ibang bansa ang mga Pilipino para sa trabahong kayang ga-win mula sa bahay — basta may computer, internet, at cellphone? Bakit kailangang lumabas ng Pilipinas?
Sa karaniwang BPO o call center setup, lalo na sa mga international firms sa Amerika, Australia, o Europe, hindi kailangan ng relokasyon.
Dito sa Pilipinas nila pinagtatrabaho ang kinukuhang empleyadong Pilipino — legal, may benepisyo, at protektado ng batas.
Mas praktikal ito para sa kumpanya at mas ligtas para sa empleyado.
Kaya’t mahalagang ipaliwanag: bihira at ‘di karaniwan sa mga tunay at rehistradong international BPOs o call center companies ang nagpapaalis ng mga empleyado patungo sa headquarters nila sa ibang bansa.
Kadalasan, nangyayari lang ito kung ang posisyon ay senior level, managerial, o highly technical — tulad ng systems analyst, cybersecurity expert, o global operations manager.
At kung may ganyang offer man, malinaw ang detalye: may kontrata, visa, relocation support, at malinaw ang kumpanya.
Hindi ito gaya ng mga scam center kung saan ang aplikante ay kinukuha sa pamamagitan ng social media, walang malinaw na kontrata, at palaging may pangakong “lahat sagot namin — basta sumama ka.”
Hindi man lang ito dumadaan sa mga kinauukulang ahensiya tulad ng Department of Migrant Workers.
Halos lahat ng lehitimong BPOs ay nasa Pilipinas na mismo ang mga opisina, kaya hindi kailangang ilipat sa abroad ang mga empleyado.
Kung walang opisina sa Pilipinas ang isang kumpanya, marami namang paraan ngayon para makapagtrabaho remotely: may Zoom para sa interview, may apps para sa training, at may digital verification tools para sa background check. Kaya’t kung trabaho lang ay online customer support, telemarketing, o virtual assistant, walang makatuwirang dahilan para dalhin ka sa ibang bansa.
Pero sa mga scam center, iba ang galaw. Ang sinasabing “online job” ay madalas lamang na pantakip sa tunay na layunin — ang ga-wing kasangkapan ang Pilipino sa panlilinlang sa mga banyaga tulad ng mga nasa U.S., Canada, at Europe. Lalo pang kahina-hinala kung kailangang dumaan ka pa sa ibang bansa gaya ng Thailand, Vietnam, o Malaysia bago makarating sa Cambodia o Myanmar. Ginagawa ito para lituhin ang biyahe, iwasan ang immigration flags, at mapadali ang pagkontrol sa biktima.
Hindi normal iyan. Sa mga rescue operations ng DFA, DMW, at NBI, iisang pattern ang lumilitaw: dinadala ang mga Pilipino gamit ang tourist visa, pinapatago sa mga compound, at pinipilit gumawa ng ilegal na online scam. Kung hindi susunod, may parusa.
At kung gustong tumakas, malabo — dahil hawak ng sindikato ang iyong passport, cellphone, at minsan pati ang contact sa pamilya.
Paalala sa mga kababayan: walang masama sa paghahangad na umasenso. Pero huwag hayaang matabunan ng kagipitan at ilusyon ang iyong pag-iingat. Ang trabaho ay dapat daan sa pag-unlad, hindi bitag ng sindikato. Kung totoo at lehitimo ang trabaho, hindi ka nila kailangang ilipat ng bansa — lalo pa’t ang papel mo lang ay umupo sa harap ng computer.
Ang totoo: kung ang trabaho ay online lang naman, hindi kailangan ng plane ticket.
* * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest















