EDITORYAL — Kailan sasampolan ang agri smugglers?

MAGSO-SONA na naman si President Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28. Ito ang ikatlo niyang SONA. Sa nakaraang SONA, isa sa pinangako niya ay ang paghabol sa agricultural smugglers at hoarders. Tinawag niya ang mga ito na saboteurs. Dahil sa smugglers, malaking buwis ang nawawala sa bansa at ang matindi, inaagawan ng kabuhayan ang mga lokal na magsasaka. Dahil sa pagpupuslit ng mga produkto, ang mga kawawang magsasaka ang apektado dahil wala nang bumibili sa kanilang ani. Dahil mas mura ang smuggled na produkto partikular ang sibuyas, carrots, bawang at iba pang gulay, hindi na pinapansin ang lokal na ani. Dahil dito, nalulugi ang mga magsasaka ng gulay.
Sa darating na SONA, inaantabayanan kung muling pagbabantaan ng Presidente ang mga salot na agri smugglers. Pero kung pagbabantaan at wala ring aksiyon na gagawin, huwag na lang magbanta.
Nakadidismaya na kahit may Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, patuloy pa rin ang smuggling ng agri products. Hindi natatakot ang smugglers. Isa sa mga paboritong ipuslit ay ang sibuyas. Iho-hoard ng traders ang sibuyas at kapag nagkaroon ng kakapusan, saka ilalabas ang sibuyas pero mataas na ang presyo —mistulang ginto sa mahal.
Hindi lamang ang pagkalugi ng pamahalaan at pagkawala ng ikinabubuhay ng mga lokal na magsasaka ang masamang resulta ng smuggling. Naghahatid din ng peste ang mga smuggled na gulay. Dahil hindi dumaan sa tamang proseso, ang mga smuggled vegetables, posibleng may taglay na heavy metals na delikado sa consumers kapag nakain. Dahil kontaminado ang mga smuggled na gulay, posibleng malason ang makabibili ng mga ito.
Kamakailan, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) ang 500 metric tons ng smuggled na gulay na nagmula sa China na nagkakahalaga ng P60 milyon. Nakalulan sa 16 na shipping containers ang mga smuggled na gulay na kinabibilangan ng puti at pulang sibuyas at carrots.
Nang inspeksiyunin nakitang nabubulok na ang mga gulay at hindi na ligtas kainin. Sinuri ang mga ito kung kontaminado ng E-coli at salmonella.
Ngayon, may nangyayari na namang smuggling ng sibuyas, maaring maulit ang nangyari noong 2023 kung saan nagkaroon ng shortage dahil itinago ng mga ganid na onion traders. Inilabas ang sibuyas subalit mataas ang presyo.
Sinabi naman ng DA na mahigpit ang pagbabantay nila sa mga palengke na binabagsakan ng smuggled agri products.
Nararapat sampolan ang agri smugglers. Kung walang masasampolan, balewala ang pagbabanta ng pamahalaan. Tatawanan lang sila ng smugglers.
- Latest















