^

PSN Opinyon

Kaso ng ‘missing sabungeros’ bubuksan uli ni Senador Bato

Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

SINABI ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na handa ang kanyang committee na muling buksan ang kaso ng mga nawawalang sabungeros. Kung inyong matatandaan, tinalakay na ang isyung ito ng mga magagaling nating senador pero walang naging maayos na resulta dahil karamihan sa mga inimbestigahan ay may busal ang mga bibig. Kaya sa yamot ng mga senador ay tingil na ito kaya walang nakuhang hustisya ang mga kaanak ng nawalang sabungeros.

Ngayon lumutang ang whistleblower na si Julie ­Patidongan alyas “Totoy”, nag-iba na naman ang hangin at nais na naman ng mga magagaling na senador na buksan ang kaso.

Ang tanong: May kakayahan na kaya ang mga senador sa pangunguna ni Bato na maimbestigahan ang negosyanteng si Atong Ang? Noon kasing iniimbestigahan ng Senado ang missing sabongeros, hindi man lang nila nasaling ang itinuturong may kinalaman sa pagkawala ng sabungeros.

Ngayong nagkakatotoo na ang mga isiniwalat ni ­Patidongan na ang bangkay ng sabungeros ay inihulog sa Taal Lake, nagkakainteres na naman ang mga senador. Sabi ni Patidongan, matapos daw dalhin sa slaughterhouse ang mga kinidnap na sabungeros ay pinatay ang mga ito sa pamamagitan ng pagbigti.

Pagkatapos patayin, isinilid sa sako na may bato at saka inihulog sa Taal Lake. Noong Hulyo 10, sinisid ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lawa at nakakuha ng mga sako na may lamang buto. Sa aking pagkaalam, pitong sako na ang nakuha ng PCG. Bukod pa ang mga buto na hinukay sa isang sementeryo sa Laurel, Batangas.

Habang mainit ang isyu sa missing sabungeros, narinig ko naman na balak iurong muli ang nakatakdang i­mpeachment trial kay Vice President Sara Duterte. Noong Biyernes, sinabi ni Sen. Joel Villanueva na gawin ang trail sa Agosto 4. Ayon kay Villanueva, kailangan daw kasi nilang paghandaan ang idaraos na State of the Nation Address (SONA) ni PBBM.

Sa ngayon, kaliwa’t kanan ang bumabatikos sa ­Senado dahil sa mabagal na pagkilos sa impeachment trial. Maraming nagsasabi na dapat ay umpisahan na ang paglilitis dahil ito ang nakasaad sa 1987 Constitution.

Sa latest survey ng Social Weather Stations(SWS), 60 percent ng respondents ang nagsabi na dapat humarap sa impeachment si VP Sara. Ang National Capital Region ay nakapagtala ng 76 percent ng respondents na naniniwalang dapat harapin ng Vice President ang impeachment case.

Dapat harapin ni VP ang impeachment at patunayang wala siyang kasalanan. Maglahad siya ng mga ebidensiya na nagpapabulaan sa mga nagbibintang sa kanya.

JULIE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with