Tight guarding kay President BBM
KUNG pagko-cover sa Presidente ng Pilipinas ang pag-uusapan, marahil ako na ang may pinakamahabang panahong nasa ganitong assignment. Kinoberan ko ang huling pitong taong panunungkulan ni Presidente Ferdinand E. Marcos Sr., ang buong anim na taong termino ni Cory Aquino at ang unang tatlong taon ni Fidel Ramos.
Natigil lang ang coverage ko sa Malacañang nang hugutin ako sa beat ng CEO ng Star Group of publications na si Miguel Belmonte at itinalagang editor in chief ng Pilipino Star NGAYON, na posisyong hinawakan ko hanggang sa aking pagreretiro five years ago.
Kahit noong panahon ni Marcos Sr. ang mga regular na members ng Malacañang Press Corps ay malayang nakalalapit sa Presidente o basta may pagkakataon. Walang humaharang na presidential security.
Ganundin noong panahon ni Cory at Ramos. Lahat sila’y madaling lapitan basta’t naroon sila sa kinaroroonan din ng reporter. Sa maraming pagkakataon, mag-isa kong na-ambush-interview si President Cory habang pababa sa presidential car sa harap ng kanyang opisina sa palace guest house. No big deal sa bodyguards niya.
Pero bakit ngayon, mas mahigpit na policy ang ipinatutupad sa reporters. Hindi sila puwedeng lumampas sa designated media area kung iko-cover si Bongbong Marcos. Isang reporter ng Net 25 ang umalis sa media area, nilapitan si PBBM para tanungin at ito’y naging napakalaking issue dahil na-reprimand ang reporter.
Ayon kay PCO Secretary Jay Ruiz, ito ay iresponsable at paglabag sa protocol. Over protective na yata sila sa Presidente. Sa ganitong mga pangyayari, baka lalong lumayo ang loob ng tao sa Presidente, bagay na ayaw nating mangyari.
Di ba dapat, nauunawaan ni Jay ang mga tagapag-ulat dahil siya rin ay dating TV reporter?
- Latest















