^

PSN Opinyon

Tulfo, kakampi ng Pilipino sa ICE crackdown

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

SA mata nang maraming Pilipino, si Sen. Idol Raffy Tulfo ay tila isang ilaw sa gitna ng madilim na ulap ng kawalang-katarungan. Sa kanyang patuloy na pakikibaka para sa mga inaapi at iniitsapuwera, lumipad si Tulfo patungong US hindi bilang turista, kundi bilang kinatawan ng mga Pilipinong sawing-palad sa banyagang lupa—mga kapwa nating pinipilit mabuhay at magtagumpay sa kabila ng takot, panganib, at kawalang-katiyakan.

Nag-courtesy call si Tulfo sa Philippine Consulate Office sa San Francisco, California sa gitna ng pinaigting na crackdown ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) laban sa mga undocumented workers. Sa halip na pangamba o pagiging palasimba lang sa pulitika, dala niya ang taos-pusong malasakit sa ating mga kababayan. Isang senyales ng aktibong pangangalaga, hindi ng pagiging pasimuno sa pagyayabang.

Tinanggap si Tulfo nina Consul General Neil Frank R. Ferrer, Deputy Consul General Maria Paz Cortes, at Vice Consul Hannah Eloisse Go, mga diplomat na sa pagkakataong ito ay hinamon hindi lamang ng datos kundi ng damdamin. Bagamat sinabi nilang hindi raw “labis na nakakabahala” ang kasalukuyang sitwasyon, hindi ito naging hadlang para kay Tulfo na kilalanin ang pangamba ng marami nating kababa­yang naghihintay sa mga sulok ng US na nakapikit sa dasal at nangangarap ng katiwasayan.

Oo, 17 daw ang na-detain. Lima ang pinalaya, tatlo ang na-deport. Pero sa mata ni Tulfo, hindi ito basta numero. Isa itong koleksyon ng mga kuwento ng pagkasira ng pangarap, ng mga batang naiwan, ng mga pusong umaasang muling makakapiling ang mahal sa buhay. Kaya ang kanyang presensya doon ay hindi lang para sa “assessment.” Ito’y pagyakap sa isang responsibilidad na dapat matagal nang niyakap ng mga inihalal natin sa Senado.

At habang ang iba’y patuloy na nagmimistulang manhid o tahimik sa isyung ito, si Tulfo ay nananatiling gising walang takot sa pakikisangkot, walang iniiwasan. Hinimok niya ang mga opisyal ng konsulado na huwag hayaang maging tahimik lang ang embahada, kundi maging aktibong tagapagtanggol ng kapakanan ng mga Pilipino sa kanilang nasasakupan.

Tama ang paliwanag nina ConGen Ferrer hinggil sa mga dahilan ng pagkaka-detain—mga dating convictions, mga record na kahit minor ay maaaring gamitin laban sa isang green card holder. Ngunit higit pa sa legalidad, ang tanong ni Tulfo ay malinaw: Nasaan tayo kapag ang ordinaryong Pilipino ay kinakaladkad na sa kulungan? Nandiyan ba agad ang gobyerno?

Hindi rin pinalampas ni Tulfo ang mga fake news na lumalason sa isipan ng ating mga kababayan kabilang ang maling balita na kailangan mong i-renounce ang Pilipino citizenship para hindi maapektuhan ng ICE. Kaya naroon siya mismo upang saksihan ang oath-taking ng mga bagong dual citizens, isang simbolo ng pananatili ng pagkakakilanlan sa kabila ng banyagang lupaing kinasadlakan.

Sa bawat bansang pinupuntahan ni Tulfo, hindi siya nagdadala ng pabango kundi ng konkretong plano: legal at welfare assistance mula sa ATN (Assistance-to-Nationals), direktang koordinasyon sa mga kinauukulan, at higit sa lahat—presensya. At sa mga Pilipino sa US na wala nang ibang masandalan kundi pananampalataya, ang presensya ni Tulfo ay tila isang tinig ng Diyos: may pakialam, may puso, may paninindigan.

Hindi lahat ng bumibisita sa konsulado ay tunay na kumakatawan. Pero si Tulfo, sa kanyang paninindigan para sa Migrant Pilipino, ay nagpapatunay na ang pagiging opisyal ay hindi lamang dapat sukatin sa talumpati, kundi sa aksiyon. Sa kanya, hindi sapat na kumustahin lang ang Pilipino sa abroad, dapat kasama siya sa laban.

ORA MISMO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with