‘Ingay’ daw ng mga bata, ‘awit’ para sa matatanda
MINSAN may lumapit sa aking executive ng pahayagang pinagtatrabahuhan ko. Naiinis daw siya sa bagong tayong nursery-kindergarten school sa exclusive subdivision nila. Maingay daw ang mga bata. Nagkakantahan, nagtatawanan sa playground, at kung minsan ay nag-iiyakan at nagsisigawan. Matrapik daw tuwing pasukan at sunduan.
Kung puwede raw ay tuligsain ko sa aking kolum kung bakit basta na lang nagtatatag ng eskuwelahang munti kung saan-saan.
Tiningnan ko nang malalim ang executive. Saka ko tinanong: “Hindi ba’t ang tawa at iyak, sigaw at ingay ng bata ay nangangahulugang maayos ang mundo? Hindi ba’t kung walang naririnig mula sa mga bata, ibig-sabihin ay may sakuna, digmaan, epidemya, taggutom?”
Tinanong ko rin kung hindi ba siya naging bata noon – malikot, palatawa, pala-iyak, nagtatampo, nagpapakuwela, akyat baba ng puno, kinukulit ang alagang aso o pusa, pahirapang pakainin, matigas ang ulo sa magulang?
Ipinakita niya sa akin ang petisyon nilang magkakapitbahay. Tatlumpu’t limang lagda ng mga kapwa niya buwisit sa nursery-kindergarten school.
Pinuntahan ko ang kumpare ko sa subdivision na ‘yon. Tinanong ko kung totoong perwisyo sa kanila ang eskuwelahang munti. “Aba hindi”, mabilis na sagot ni kumpadre. “Mabuti nga at may malapit na eskwela ang mga musmos. Mahigit 350 kaming pamilya ang pumirma pabor.”
Ito ang kabalintunaan. Ang executive na galit sa “ingay” ng mga bata ay may anak na sikat na miyembro ng singing group ng mga bata, at hinahangaan ng maraming kabataan, kabilang ang anak kong musmos.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM
- Latest
















