^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hulihin nasa likod ng kidnapping

Pilipino Star Ngayon
This content was originally published by Pilipino Star Ngayon following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.
EDITORYAL - Hulihin nasa likod ng kidnapping

MAWAWALA lamang ang nadaramang takot ng mga negosyanteng Pilipino-Chinese kung mahuhuli ng Philippine National Police (PNP) sa lalong madaling panahon ang “utak” at mga nagsagawa ng pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at drayber nito na si Armanie Pabillo.

Natagpuan ang bangkay nina Que at Pabillo sa tabing kalsada sa Rodriguez, Rizal noong Miyerkules. Nakabalot sa plastic bag ang mga bangkay at naka-duct tape ang mga mukha. May mga galos at sugat sa katawan ang mga biktima na pinaniniwalaang pina­hirapan muna bago pinatay. May mga bakas na binigti ang mga biktima na ikinamatay ng mga ito.

Ayon sa PNP, huling nakita ang sasakyan ni Que sa Macapagal Blvd. sa Pasay City noong Marso 29. Noong Abril 8, natagpuan ang inabandonang sasak­yan sa Seminary Road, Bgy. Bahay Toro, Quezon City. Kinabukasan, Abril 9, natagpuan ang mga bangkay ng biktima sa Rodriguez, Rizal. Ayon pa sa pulisya, nagbayad ng P100 mil­yong ransom ang pamilya ni Que sa kidnappers.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fa­jardo isa sa sinisilip nila ay ang posibilidad na pagkakasangkot ng POGO investors sa pagkidnap at pagpatay kay Que. Ang POGO investors, ayon kay Fa­jardo ay nag-o-operate sa Pasay. Sinabi naman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na marami pang POGO operators sa Pasay.

Noong nakaraang Pebrero, dinukot ang 14-anyos na Chinese student sa Parañaque City at saka pinu­tulan ng isang daliri. POGO rin ang nasa likod ng pag­dukot sa estudyante. May pagkakautang umano ang ama ng estudyante sa POGO operator.

Noong nakaraang Enero 5, 2025, isang negos­yante ang dinukot at natagpuang patay sa San Jose Del Monte, Bulacan. Dinukot ang 62-anyos na negos­yante habang sakay ng kanyang Toyota Innova at pa­tungo sa fish farm sa Calauan, Laguna. Ayon sa anak ng biktima, humihingi ng P100,000 ang mga kidnappers subalit P79,000 lamang ang naibigay nila.

Sunud-sunod ang pangingidnap at nakababahala ito. Ang mga nangyayaring pangingidnap ay halos katulad ng mga nangyari noon na pawang mga negos­yanteng Chinese ang target. Ang masakit, pinapatay sa kabila na nagbigay ng ransom.

Nararapat kumilos nang mabilis at tiyak ang PNP para mahuli ang nasa likod ng kidnapping. Kung POGO investors ang nasa likod ng kidnapping, pagtulung-tulungan para mapuksa ang mga ito. Kapag hindi naputol ang pangingidnap, matatakot ang mga dayuhang investors na magtayo ng negosyo sa bansa at ang resulta, dadapa ang ekonomiya.

PNP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with