‘Engkuwentro’ ng babaing gorilla at komedyanteng Robin Williams
PINAKAMATALINONG nasaliksik na gorilla si Koko, babae. Kaya niyang makipaglaro sa tao, at usap nang senyas kamay, daliri, boses, mukha at kilos. Pero nawalan siya ng gana nu’ng mamatay ang kasamang lalaking gorilla sa San Francisco Zoo nu’ng 2001.
Para mapasaya si Koko at laliman ang saliksik, pinakiusapan ng mga pantas si tanyag na komedyanteng Robin Williams na subukang patawanin ang gorilla. Pumayag si Williams maski duda sa resulta.
Nu’ng unang araw umupo lang si Williams sa silid ni Koko. Hinintay niya itong manguna sa komunikasyon. Lumapit si Koko, marahang kinuha ang salamin ni Williams at isinuot ito. Nabatid ni Williams na parang mausisang bata pala ang gorilla.
Hindi nagtagal, nagtatawanan na sila. Kinikiliti ang isa’t isa. “Nagkukuwento” ng samu’t-saring karanasan sa buhay.
Namangha ang mga pantas. Pinapili nila si Koko ng salitang nagpapaliwanag kung ano si Williams. Ang sinenyas niya ay “kaibigan”.
Malalim din ang leksiyon ng engkuwentro kay Williams. Nagulat siya sa sarili na napatawa niya ang gorilla na nanganganib magkaroon nang matinding depression dahil sa pangungulila.
Mula nu’n, binisita na ni Williams si Koko tuwi-tuwina. Nag-shoot pa sila ng commercials para sa pagtatanggol ng endangered species at pagtigil sa mapanghamak na eksperimento sa mga hayop.
Tumatag ang samahan ni Koko at Williams, na pumanaw nu’ng 2014. Sinenyas ng mga pantas kay Koko na wala na si Williams.
Nabatid ni Koko na hindi na niya muli makikita ang matalik na kaibigan. Sa pamamagitan din ng senyas, humingi siya ng pahintulot sa mga pantas ku’ng maari siyang lumuha at makapagmuni-muni ng ilang araw. Nanginginig pa ang mga labi niya sa dalamhati.
Makalipas ang apat na taon, pumanaw din si Koko, edad 46.
- Latest



















