EDITORYAL - Huwag katakutan ang tigil-pasada

I-extend ng transport group Manibela ang kanilang tigil-pasada hanggang bukas (Biyernes), sabi ng chairman nito na si Mar Valbuena. Dapat hanggang kahapon lang ang tigil-pasada ng Manibela, pero ayon kay Valbuena, tila minaliit ito ng pamahalaan at sina­bing nabigo raw na paralisahin ang public transpor­tation kaya ipagpapatuloy daw nila. Ayon pa kay Val­buena, maaring masundan pa ang tigil-pasada.

Mariin pang sinabi ni Valbuena na tila kulang sa “sense of urgency” ang Department of Transportation­ (DOTr) dahil kung kailan na sila nag-anunsiyo ng welga noong nakaraang Biyernes ay saka lamang nagpa­tawag ng dayalogo. Naglatag daw ng dayalogo sa ka­nilang grupo ang isang kawani ng DOTr, pero mas ma­ganda kung ang mismong si DOTr Secretary Vince Dizon ang makikipagdayalogo sa kanila. Maihahayag umano niya kay Dizon ang mahahalagang bagay ukol sa jeepney modernization. Idinagdag pa ni Valbuena na habang nakikipagdayalog daw ang Manibela kay Dizon, ang unconsolidated jeepney operators at dri­vers ay dapat makabiyahe nang libre sa ruta habang nagpapatuloy ang negosasyon.

Una nang sinabi ni Valbuena na dapat sibakin ni Dizon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFTB) Chairman Teofilo Guadiz dahil sa pagsisinungaling. Ayon kay Valbuena, sinabi ni Guadiz na 80 percent na ang nakapag-consolidate gayung ang totoo, 40 percent pa lamang.

Habang ang grupo ni Valbuena ay mahigpit ang pagtutol sa pag-consolidate, marami rin namang samahan ng public transport ang nagsabing pabor sila sa PUV Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan. Ayon sa mga pabor sa PUVMP, malaki na ang naging puhunan nila at maayos naman ang programa. Mas marami umanong pasahero na nasisiyahan sa mga modernong jeepney sapagkat komportable sila rito dahil malinis at malamig. Ayon pa sa mga pabor sa modernization, nababawasan ang air pollution dahil sa paggamit ng modern jeepney.

Noong nakaraang taon, nagbanta ang mga lider ng transport group na pabor sa PUVMP na handa naman silang magtigil-pasada kapag itinigil ng pamaha­laan ang programa. Marami na umano silang naiambag para maipatupad ang programa kaya maaari rin silang magtigil-pasada kung sususpindihin ito ng pamahalaan.

Sinabi naman ng DOTr na pagkalipas pa ng dalawang linggo saka malalaman ang pasya sa PUVMP. Ayon kay Dizon, pag-aaralan daw itong mabuti. Bakit napakatagal pagpasyahan? Bakit hindi ihayag na tuloy ang PUVMP at wala nang makapipigil pa rito. Hindi rin dapag matakot sa tigil-pasada ng ilang grupo.

Show comments