Natagpuan na
NATAGPUAN na ang nawalang FA-50PH fighter ng Philippine Air Force (PAF). Naulat itong nawawala noong Marso 4. Lumipad ang eroplano na may dalawang piloto mula Cebu patungo sa Hilagang Mindanao para sa isang misyon. Gabi lumipad ang eroplano.
Natagpuan ang bumagsak na eroplano sa isang bundok sa Kalatungan, Bukidnon, pati na rin ang dalawang namatay na piloto. Nagpapasalamat ako sa serbisyo ng dalawang piloto sa bansa at nakikiramay sa kanilang pamilya.
Ito ang pinakabagong eroplanong pandigma ng PAF. Sa ilalim ni dating President Noynoy Aquino binili ang 12 eroplano mula South Korea at dumating ito sa bansa mula 2015-2017.
Ilang beses na ring nagamit ng PAF ang mga eroplano sa iba’t ibang misyon laban sa mga terorista at kalaban ng bansa. Dahil sa naganap na aksidente, hindi na muna pinagagamit ang natirang 11 eroplano hangga’t matapos ang imbestigasyon at malaman ang dahilan ng pagbagsak.
May planong bumili ng 12 FA-50PH pa sa mga darating na taon para sa modernisasyon ng PAF kaya mahalagang malaman ang dahilan ng pagbagsak ng FA-50PH fighter jet.
Masabi ko lang na ang eroplano ay hindi basta-basta pinalilipad lang. Maging komersiyal o militar na eroplano ay kinakailangan ng matinding pag-aalaga o maintenance.
Mga piyesa na hinihinalang may problema na ay dapat agad napapalitan. Ang kotse kapag nagkaproblema ang makina ay titirik lang. Ang eroplano bumabagsak.
Kaya mahal ang bumili ng eroplano dahil hindi lang naman ang eroplano ang dapat mabili kundi pati ang mga piyesang masisira at ang pagsasanay ng mga tauhan na sisiguraduhing na nasa maayos na kundisyon.
Ika nga, hindi lang mga piloto ang mahalaga sa eroplano.
Kaya mahalaga at malaman kaagad ang dahilan ng pagbagsak ng FA-50PH dahil nga ginagamit ng PAF sa mga operasyon kontra kalaban ng bansa. Kung hindi ito pinalilipad, hindi ito nagagamit sa mga kaaway.
May mga eroplanong pandigma rin ang PAF pero ito ang pangunahing eroplano sa kanilang imbentaryo. Siguradong hindi naman titigil ang PAF para puksain ang mga rebelde at terorista.
Pero itinatampok nito ang pangangailangang gawing moderno ang AFP. Lahat nang bagay ay naluluma dahil sa panahon. Kaya hindi na puwedeng maganap muli ang panahon na tila napabayaan ang PAF.
Mahalaga ang malakas na Hukbong Himpapawid para sa bansang tulad ng Pilipinas dahil sa lawak ng binabantayan.
- Latest