Gen. Torre, nililinis ang First Family vs scammers!
NASA tamang landas si CIDG director Maj. Gen. Nicolas Torre III para linisin ang pangalan ni President Bongbong Marcos at pamilya sa kung anu-anong klaseng scam. Matagal nang kumakalat ang Marites na may ilang tao na ginagamit ang pangalan ng First Family para makapandugas ng milyones sa kapwa nila Pinoy, lalo na sa Western Visayas ang hometown ni First Lady Liza Araneta Marcos.
Kaya’t sa pagpursige ni Torre, naaresto sina Maggie Cacho, ang kandidato sa pagka-governor ng Guimaras Island, at nitong huli ay si Simeon dela Cruz. Si Cacho ay nagpapakilalang pinsan ni LAM samantalang si Dela Cruz ay dating empleyado ng First Family.
Sino kaya ang susunod na titimbugin ni Torre na sumisira sa pangalan nina BBM, LAM at kanilang mga anak? Dipugaaa!
Kaya sa mga Pinoy d’yan, lalo na ang mga gustong magnegosyo, mag-ingat sa pakipagtransaksiyon sa mga kamag-anak kuno nina BBM, at LAM at t’yak sa hangin mapupunta ang milyones n’yo. Get’s n’yo mga kosa? Ang sakit sa bangs nito!
Si Cacho ay humingi ng karagdagang P400,000 sa complainant na nag-a-apply ng permit sa emission testing sa LTO nang maaresto sa entrapment operation. Naaresto rin ang dalawa n’yang bodyguard kuno na mga miyembro ng Philippine Coast Guard.
Ang raket pala ni Cacho, ayon kay Torre, ay manghingi ng P800,000 hanggang P1 milyon sa mga biktima kapalit ng tulong para magkaroon sila ng permit o negosyo. Ang siste, lahat naman ng pangako ni Cacho ay napapako. Kaya’t hayun, napako rin siya sa likod ng rehas na bakal. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ito namang si Dela Cruz, 49, ay inaresto sa Resorts Drive sa Pasay City noong Huwebes dahil sa arrest warrant sa kasong estafa na inisyu ng RTC Branch 160 sa Pasig City. Si Dela Cruz ng Doña Juana Subdivision, Bgy. Rosario, Pasig City ay naglagak kaagad ng P90,000 na piyansa para sa kanyang agarang kalayaan, ani Torre.
“Nakita n’yo naman nung inaresto namin siya kagabi, nakabarong pang kagalang-galang. Naka-pinya barong pa sa isang five-star hotel. May mga bagay na ginagawa nga na misrepresentation na definitely hindi ito-tolerate ng kanyang principals, which is ang ginagamit n’ya ay ang First Family,” ani Torre. Sal-it! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ayon kay Torre, si Dela Cruz ay empleyado ng First Family na in-charge sa IT, social media at iba pa. Nang maupo si BBM, ganun pa rin ang trabaho niya. Subalit nitong nagdaang mga panahon, nagpapakilala na itong “Usec”, at naglalako ng kontrata sa gobyerno at humihingi ng tatlo hanggang limang porsiyento sa contract price bilang komisyon o kickback.
Si Dela Cruz, ani Torre, ay may naka-pending ding reklamo sa Office of the Special Envoy on Transnational Crime sa ganunding raket. Sanamagan! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang talaga!
Sa pagkahuli ng scammers na gamit ang First Family, nanawagan si Torre sa mga Pinoy na kapag may nangbighani sa kanila sa ganoong modus, i-report kaagad sa kanyang opisina para matimbog ang mga ito. Abangan!
- Latest