EDITORYAL - PUV Modernization Program, dapat ituloy

May mga umaangal na agad at binabatikos si bagong Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon dahil sa pagpabor nito sa pagpapatupad ng PUV Modernization Program (PUVMP). Karamihan sa mga bumabatikos ay transport groups na apektado ng modernization. Maging ang Senado ay nagmungkahi kay Dizon na pag-aralang mabuti ang PUVMP at huwag daw magmadali sa pag-iimplementa nito. Nakapagtataka kung bakit kontrang-kontra ang Senado sa PUVMP.
Noong nakaraang Hunyo 2024, 22 senador ang lumagda sa resolusyon para suspendihin ang PUVMP. Nais daw ng mga senador na maresolba ang isyu ng PUVMP. Ang aksiyon na ito ng Senado ang nakapagpalakas ng loob sa mga lider ng dalawang transport groups para huwag mag-consolidate at magtigil-pasada na lamang. Dahil may kumakampi, malakas ang loob nilang mag-strike kaysa mag-consolidate. Sa halip na maisaayos ang problema, lumala at hanggang ngayon, patuloy pa rin ang mga tradisyunal na jeepney sa pagyaot. Karamihan sa mga jeepney ay kakarag-karag na at nasasangkot sa mga aksidente. Kamakailan, dalawang jeepneys ang nasangkot sa vehicular accident sa Antipolo na ikinasugat ng mga pasahero. Bukod sa takaw-aksidente, ang mga jeepneys na ito ang nagdudulot ng air pollution lalo sa Metro Manila.
Pero tumutol man ang transport groups at ang Senado sa PUVMP, hindi natitinag si Dizon at tuloy ang pagpapatupad nito. Wala raw ibang paraan kundi yakapin ang modernisasyon para umusad at magkaroon ng improvement ang pampublikong transportasyon. Pero pag-aaralan din daw muna niya itong mabuti. Pakikinggan din daw niya ang panig ng mga tutol sa PUVMP.
Sa ilalim ng PUVMP, dapat mag-consolidate at maging miyembro ng mga kooperatiba ang mga jeepney driver at operator. Ayon sa DOTr, ang mga jeepney operator na hindi nakapag-consolidate ay maaaring lumipat sa consolidated cooperatives.
Nararapat ipagpatuloy ang PUVMP at hindi na mag-urung-sulong sa pagpapatupad nito. Pitong beses na itong naipagpapaliban. Kung ipagpapaliban muli ito dahil sa banta ng iilang transport group at maging ng Senado, walang kapupuntahan ang programa.
Magpapatuloy ang mga aksidente sa kalsada na sangkot ang mga dispalinghadong jeepneys, nagpapalubha sa trapik dahil sa mga walang disiplinang drayber at patuloy na malalason ang hangin dahil sa ibinubugang usok. Ituloy ang PUVMP!
- Latest




















