Chinese espionage out of control na ba?
Masyado na itong nakababahala. Dumadalas na ang pagtimbog sa mga sinasabing espiyang Chinese simula pa nang pumutok ang kaso ng sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Ngayon naman dalawang Tsino at tatlong Pilipino ang natimbog ng mga awtoridad na nag-eespiya umano sa Malacañang.
Ang masaklap ay may mga Pilipino pa mismong kasapakat ng mga elementong nagtatangka ng masama sa ating bansa. Isa lang ang ibig sabihin nito, maaaring nakapag-establish na ng matatag na network ang China sa loob ng ating bansa na pinupuntirya nilang sakupin.
Sabi nga, let’s connect the dots: ang patuloy na harassment na ginagawa ng mga Tsino sa mga Pilipinong mandaragat sa West Philippine Sea kasama ang pagkakasakote ng mga Chinese spies sa bansa ay indikasyon nang masamang plano.
Ani NBI Director Jaime Santiago, ang mga naaresto ay sina Qinhui at Zheng Wei at ang tatlong Pinoy na sina Omar Khan Joveres, Leo Panti and Mark Angelo Binza. Sila ay nadakip noong Pebrero. 20.
Makadakip man ang pulisya o militar ng ilang sinasabing espiya, kung napakalawak na ang puwersa ng mga ito ay mahirap ng sawatain.
Kaparehong strategy ang ginawa ng mga Hapones bago sumiklab ang World War II. Dumagsa sa ating bansa ang mga negosyanteng Hapones at nang magdeklara ng giyera ang Japan, ang mga negosyanteng Hapones na ito ang nagsipagsuot ng unipormeng militar at nanguna sa digmaan.
Ang nakikita ba natin ngayon ay isang senaryo gaya nang bago magkaroon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig?
- Latest