^

PSN Opinyon

EDITORYAL - ‘Anyare sa mga estudyante?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - ‘Anyare sa mga estudyante?

NAKABABAHALA ang nangyaring rambolan ng mga estudyante ng Rizal High School sa Pasig noong Huwebes kung saan dalawang estudyante ang sinaksak. Nakunan ng video ang pananaksak ng estud­yante sa kapwa estudyante. Sangkot sa rambolan ang mga estudyanteng nasa Senior High School.

Sa video na ini-upload sa Facebook, pinagtutulu­ngan ng mga estudyante ang isang estudyante habang hawak ng isa ang patalim. Makikita sa video ang dugu­ang uniporme ng isang estudyante makaraang sak­sakin. Sa isa pang video, makikita ang isa pang estudyante na hawak ng kapwa estudyante at saka sinaksak. Ayon sa pulisya, ang dalawang grupo ay unang nagrambol sa school compound pero pinagpatuloy sa labas. Iniim­bestigahan na ang mga sangkot na estudyante.

Hindi nakapagtataka kung paano nakapagpasok ng patalim sa school ang mga estudyante. Masyadong maluwag ang mga namamahala sa nasabing high school. Hindi na iniinspeksiyon ang mga gamit ng kanilang estudyante. Kaya kahit baril o bomba ang ipasok, pu­wedeng mangyari. Walang imposible kung makapag­pasok ng patalim at iba pa dahil sa kaluwagan ng mga namamahala.

Hindi lang ang Rizal High School ang nalulusutan ng mga estudyanteng nagpapasok ng patalim kundi ma­rami pa at baril pa nga ang ipinapasok na lalong naghasik ng takot sa mga estudyante.

Noong Okt. 17, 2024, naaresto ang isang Grade 8 student matapos mabisto ang dalang baril sa loob ng kanyang bag nang pumasok sa kanilang school sa Malabon City. Nakita ng guwardiya sa bag ng estud­yante ang kalibre .38 revolver na may kargang isang bala. Dinala ang bata sa presinto at inimbestigahan.

Noong Okt. 12, 2024, isang 12-anyos na Grade 7 stu­dent ang nagpaputok ng baril sa loob ng kanilang pa­­a­ralan sa Dumaguete City, Negros Oriental. Ayon sa pulisya, naka-break ang mga mag-aaral nang maglabas umano ng kalibre .45 ang estudyante at pinuntirya ang bintana ng silid-aralan. Inaresto ang estudyante.

Noong Okt. 9, 2011, isang 15-anyos na high school student ang inaresto ng pulisya matapos magdala ng baril sa loob ng eskuwelahan sa high school sa Bgy. Canbanua, Argao, Cebu. Nakuha sa estudyante ang kal. 38 revolver. Inimbestigahan ng pulisya ang estudyante.

Naghahatid ng pangamba ang mga nangyayari sa estudyante na nasasangkot sa karahasan at sa murang gulang ay may nagdadala na ng baril. Paigtingin ng mga namumuno sa eskuwelahan ang pag-iinspeksiyon sa mga gamit ng estudyante. Sikaping walang ma­kalusot na matatalas na bagay, baril o bomba.

Mahalaga naman ang papel ng magulang sa nang­yayaring ito. Ang mga magulang ang unang dapat ma­kaalam kung ano ang laman ng bag ng kanilang anak habang patungo sa school.

RIZAL HIGH SCHOOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with