Sayang
SA kawalan ng pagkakaisa ng mga Pilipino, namimingit maglaho ang ating lipi. Sa halip na magtulungan upang mahango ang bansa sa problema, tayu-tayo ang nagbabangayan. Nakalulungkot ngunit iyan ang nakikita kong landas na ating tinatahak.
Kung sabagay, dati namang walang Pilipino. Nabuo lang tayo na’ng kung anu-anong lahi ng mga kolonyalistang sumakop sa atin.
Pero sayang ang mga siglong humubog ng ating kalinangan at kasarinlan, kahit iisa ang ating pinagmulan mula pa kina Eba at Adan.
Nakaiinggit ang ibang lahi na ang mga tao’y may maalab na diwa ng pagkakaisa at wastong sentidong nakatutukoy ng tama at mali.
Tayo? Ang wasto ay itinuturing na lisya at ang lisya ang pinanghahawakang wasto.
Mayroon tayong kapit-bansa na nang mabingit sa matinding krisis pangkabuhayan, mga mamamayan mismo ang nagbenta ng kanilang marangyang alahas gaya ng ginto at diyamante upang ipagkaloob sa pamahalaan na naging dahilan ng muling pagbangon nito.
Tayo? Sa halip na magbalikatang ibangon ang ating hilahod na bansa ay tila lalo pang nagsasanib ng lakas ang mga tao upang lalong ilugmok ito.
May maganda pa bang bukas na nakalaan para sa bansa at mamamayan? Hangga’t ang mga nailuluklok na mamahala sa bansa ay dinidiktahan ng makasariling hangarin, papalubog na tayo sa lusak.
Panginoon, tuldukan mo na po ang mga masasamang nangyayari alang-alang man lang sa mga nananalig sa iyo.
- Latest