EDITORYAL — Hustisya sa mga pinaslang na mamamahayag, wala pa!

NIREPORT ng New York-based Committee to Protect Journalists (CPJ) na noong nakaraang taon, walang mamamahayag na pinaslang sa Pilipinas. Ito ay sa kabila na idineklara ng CPJ na ang 2024 ay deadliest sa media workers. Ayon sa CPJ, 124 mamamahayag ang pinatay noong 2024 at pinakamarami ay sa Gaza kung saan hindi kinikilala ng magkalabang grupo ang mga mamamahayag. Tinatayang 82 mamamahayag na Palestinians ang pinatay noong nakaraang taon sa Gaza.
May isang pinatay na mamamahayag sa Pilipinas noong Oktubre 2024 subalit dahil ang pagpatay ay walang kinalaman sa trabaho, hindi ito ibinilang ng CPJ na kaso.
Ang biktima ay nakilalang si Maria Vilma Rodriguez, 56, ng Bgy. Tumaga, Zamboanga City. Nakaupo sa harapan ng tindahan ng kanyang ina si Rodriguez nang pagbabarilin nang malapitan. Mabilis na tumakas ang suspek. Isinugod sa ospital si Rodriguez subalit dead on arrival ito. Si Rodriguez ay reporter ng Brigada Station at host ng public affairs program ng 105.9 EMedia Radio. Umano’y may kinalaman sa hatian ng property ang motibo.
Wala ngang pinatay na mamamahayag noong 2024 na may kaugnayan sa kanilang trabaho pero kung susumahin, limang mamamahayag na ang “itinumba” sa termino ni Presodent Ferdinand Marcos Jr. At lahat ng limang kaso ay hindi pa nabibigyan ng hustisya. Uhaw na uhaw ang mga kaanak ng biktima sapagkat walang makitang katarungan sa pagkamatay ng mga ito.
Noong Setyembre 18, 2022, pinatay ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental. Pinagsasaksak siya habang patungo sa pinaglilingkurang radio station. Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli ang killer ni Blanco.
Noong Okt. 3, 2022, binaril at napatay ang veteran broadcaster na si Percy Lapid habang patungo sa kanyang tanggapan sa Talon Dos, Las Piñas. Hindi pa naaaresto ang “utak” sa pagpatay na si dating BuCor director Gerald Bantag.
Noong Mayo 31, 2023, binaril at napatay ang broadcaster/commentator na si Cresenciano Bunduquin ng Bgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro. Binubuksan ni Bunduquin ang kanyang sari-sari store nang pagbabarilin ng isang lalaking nakamotorsiklo. Hindi pa rin nalulutas ang kaso.
Noong Nobyembre 5, 2023, pinagbabaril ang radio broadcaster na si Juan Jumalon sa Calamba, Misamis Occidental. Hindi pa nahuhuli ang pumatay kay Jumalon.
Hustisya ang sinisigaw ng mga kaanak ng pinaslang na mamamahayag. Pakilusin ng pamahalaan ang Philippine National Police (PNP) para matunton ang utak ng krimen at ang mismong mga killer. Hahayaan na lang ba na matabunan ang mga kasong ito. Isilbi ang hustisya!
- Latest