Sa pagpili ng leader
Very crucial ang gaganaping midterm elections sa Mayo na dito’y pipiliin ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan at Senado pati na ang mga local na opisyal.
Hindi ako mag-eendorso ng sinumang kandidato dahil bawat botante ay dapat bigyang laya na pumili base sa kanilang assessment sa kakayahan at character ng bawat kandidato.
Napakakritikal lalo na ang pagpili ng mga senador dahil sa Senado karaniwang nagmumula ang mga iniluluklok na Presidente. Ang kailangan lang ay magaling na leader.
Hindi kailangan ang isang technocrat na magaling magtayo ng mga imprastruktura, mabilis na makapagpapaunlad sa ekonomiya o iba ang partikular na larangang kailangan upang umunlad ang bansa. Dapat lang ay nauunawaan ng isang magaling na leader ang lahat ng mga gawaing nagpapaunlad sa bansa. Dapat ding tukoy niya ang mga prayoridad na mga programang ipatutupad na ang unang-unang makikinabang ay taumbayan, hindi ang mga alipores na nakapalibot sa kanya.
Wala naman kasing taong mailuluklok sa leadership position na alam ang lahat ng bagay kaya dapat matalas ang kanyang pagkilatis kung sinu-sino sa mga appointees niya ang may natatanging kakayahan. Ang leadership ay hindi napag-aaralan sa pamantasan. Ito’y likas na sumisibol sa puso ng mga taong may mabuting kalooban.
Sa totoo lang, may mga technocrat na eksperto sa kani-kanilang larangan ngunit walang leadership. Sa ngayon, buo na ang senatorial tickets ng mga partidong sasabak sa eleksyon. Gamitin ang pag-iisip at talino sa pagpili ng mga iboboto.
Ang pangunahing kalidad ng mahusay na leader ay ang pagiging maka-Diyos at hindi magnanakaw.
- Latest