PINASOK ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group ang isang compound sa Parañaque City na umano’y nagbebenta ng unregistered na mga gamot na kung gagamitin ng mga Pinoy ay aabutin ng kamalasan.
Sinabi ni CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre III na may ilan silang nakumpiskang gamot na, ayon sa advisory ng Food and Drugs Administration, ay nakamamatay kapag mali ang dosage.
“Sabi ng FDA Sir, itong green daw delikado kasi kapag mali ang dosage nakamamatay daw Sir,” ang sabi ni Torre sa isang text message.”Yung iba Sir mga pang cough and fever Sir na gamot,” ang dagdag pa n’ya.
Kayod marino sa trabaho ang CIDG sa ilalim ng liderato ni Torre, ‘no mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Armado ng body worn cameras, nagsagawa ng buy-bust operation ang DSOU ng CIDG ang compound na matatagpuan sa 44 Lockheed St., Concorde Village, Tambo, Parañaque City ng bandang 12:45 a.m. noong February 8.
Nakorner sina Jin Feng Hu, 44, at Luu Yi Quan, 59, na stay-in sa nasabing address. Nakumpiska sa kanila ang P1,000 bill, boodle money, dalawang box ng Genmaoling Keli, tatlong box ng Glucophage (Metformin Hydrochloride extended release tablets) at dalawang box ng Amplodepine Besilate tablets, na may market value na P15,000. Sanamagan!
Kinumpiska rin ng mga raiders ang tatlong box na Linou-Gliclazide tablets; dalawang box ng OTC-Longdan Xiegan pills; apat na box ng Zhiba Dihuang pills; isang box ng Bear Bile powcer; 12 boxes ng Diamicron-tablets; 16 boxes ng Bavaspirin-Aspirin tablets, at 17 boxes ng Glucophage.
Puro Chinese ang marka ng kahon kaya’t panay Intsik din ata ang mga parukyano nina Jin at Liu. Puwede, di ba mga kosa?
Gusto lang kumita ng konti nitong dalawang suspects, hayun sa kulungan naman ang bagsak. Wala rin, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Ayon kay Torre, ang buy-bust operation ay isinagawa dahil sa intelligence report na may grupo na nagbebenta sa Metro Manila at kalapit na lugar ng mga gamot na hindi rehistrado sa FDA. Nabahala si Torre sa report na may ilang gamot na kapag hindi tama ang dosage ay nakakamatay ito kaya’t ikinasa kaagad ang operation.
Sa advisory ng FDA na ipinasa ni Torre ang mga unregistered na gamot na ikinakalat ng mga suspects sa kalye ay ang Ganmaoling Keli; Compound Dexamethasone Acetate Cream-Fufang Cusuandisa Imisong Rugao; OTC Am Ya Feng Quike Compound Paracetamol and Amantadine Hydrochloride capsules; Amoxicillin capsules, at Cefradine capsules.
Hayan mga kosa, tandan ang listahan na ‘yan ng FDA para hindi kayo at inyong pamilya mapahamak. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sinabi ni Torre na ang mga suspects ay properly apprised ng kanilang Constitutnioal rights at ipinaliwanag maigi sa kanila ang kanilang kaso.
Kasalukuyang nakakulong sa DSOU custodial cell sa CIDG headquarters sa Camp Crame ang mga suspects, kasama ang mga nakalap na ebidensiya.
Abangan!