‘Kamote riders’ hanggang kailan babantayan ng HPG
USO ang karera ng motorsiklo sa kahabaan ng Marilaque Highway, Tanay Rizal. Malaki umano ang pustahan sa karera. Marami ang nanonood sa tabing kalsada. Aliw na aliw habang nag-aala-superman sa motorsiklo ang mga tinatawag na kamote riders.
Noong nakaraang linggo, isa ang namatay nang bumangga ang dalawang nagkakarerang kamote riders sa barriers. Ang masaklap nadamay ang lima kataong nanonood ng karera. Malubha silang nasugatan. Nag-viral sa social media ang pangyayari.
Nalaman ko na ang Marilaque Highway ay dating Marcos Highway. Maayos ang pagkagawa ng highway kaya dito nagkakarera ang kamote riders. Maraming kurbada pakaliwa’t kanan na nagbibigay ng challenge sa mga kamote riders.
Naging paborito nang hangout ng kamote riders ang highway at dito laging idinadaos ang pagkakarera. Dito na rin nagpupuntahan ang mga taong gustong manood. Tuwang-tuwa sila kapag nagbabangking ang mga kamote riders habang binabaybay ang highway.
Nagtataka lang ako dahil walang alam ang local government ng Tanay sa mga nangyayaring karerahan ng motorsiklo. Pati ang PNP Highway Patrol Group ay walang alam. Nalaman lang nila ang lahat dahil sumambulat na sa social media ang karera ng kamote riders.
Dahil nga pumutok at naging isyu na ang karera ng kamote riders sa Marilaque Highway, pinakalat na roon ni PNP chief General Rommel Marbil ang mga nagtatabaang tauhan ng HPG.
Nagbabantay na ang HPG sa mga kamoteng riders para hindi na maulit ang karera na nagdudulot nang malagim na trahedya. Ang tanong ay hanggang kailan ang pagbabantay ng HPG?
Kabisado na ng mamamayan na sa simula lang maigting ang paghihigpit pero paglumipas na ang isang linggo ay wala na rin agad ito. Ningas kogon lang ang PNP. Sana hindi ganito ang mangyari dahil marami ang mamamatay dahil sa ginagawa ng kamote riders.
- Latest