Ibalik ang tunay na boses: Reporma sa sistemang party-list napapanahon na
"Oras na para amyendahan, muling bisitahin, at magrebisa ng batas natin sa party-list system."
Walang iba kung hindi ang mismong chairman ng Comelec ang nagpaalala ng ating pangangailangan na balikan at muling pag-aralan ang sistema ng party-list sa bansa.
Sinasalamin lamang ng chairman ang sentimyentong marami na sa atin ang nakakaramdam. Nakakalungkot mang aminin pero ang party-list system na dapat ay boses sa Kamara ng mga nasa laylayan ng lipunan ay parang naging instrumento na lamang ng mga naglalakihang negosyante at mga dynasty o political families.
Ang desisyon ng Korte Suprema noong 2013 ang naging simula ng paglabnaw ng requirements para makilahok ang isang party-list group sa ating halalan.
Matapos nitong magpasyang ang "mga national party o organisasyon at regional party o organisasyon ay hindi kailangang mag-organisa ayon sa sectoral lines at hindi kailangang maging kinatawan ng mga marginalized o underrepresented na sektor," nagsimula nang nakita ang paglabasan na rin ng iba pang mga nagpapakilala bilang party-list group kada eleksyon.
Ganoon na lamang sila karami na sa halalan sa 2025, 200 na bagong grupo ang sumubok na mapabilang sa balota. Ayon kay Garcia, 42 lang ang pumasa.
"Umaasa kami na kayang amyendahan ng kongreso ang ating party-list system, nang sa gayon ay maging tunay itong representasyon ng mga marginalized at underrepresented na sector, na alinsunod sa ating konstitusyon," dagdag niya.
Bago pa man ang desisyon noong 2013 ng Korte Suprema, isinaad na ni Justice Artemio Panganiban mahigit sampung taon bago ito, sa isang pagpapasya sa kaso ng Bagong Bayani vs. Comelec na ang party-list system ay dapat na isang "social justice tool."
At kung mapunta ito sa mga kamay ng mga naghaharing mga pulitiko at kanilang angkan, ayon kay Justice Panganiban, ay mababahiran lamang ang party-list system ng mga kalakaran ng mga trapo.
"Ang batas na ginawa para sa mga taga-Payatas ay hindi dapat angkinin ng mga nakatira sa naglalakihang mansyon sa Forbes Park," aniya.
"Halatang-halata ang lalim ng pagkakaiba sa interes ng dalawang sektor na ito. . . ang pagtrato na pareho lamang sila ay labag sa wastong katwiran at sentido komon," dagdag pa niya.
Sa kasamaang palad, nagkatotoo nga ang nabanggit ni Justice Panganiban. Karamihan ngayon sa mga kilala nating dynasty ay ginagamit na rin ang mga party-list para mas marami pang kamag-anak ang mailagay sa posisyon sa gobyerno.
Higit pa rito, nakikita na rin natin ang paglabnaw ng diwa ng pagiging isang party-list sa paglipana ng mga kalakarang sa mga trapo lang madalas nanggagaling.
Isang halimbawa na magandang pag-aralan ang pagsali ng isang social media personality tulad ni Deo "Diwata" Balbuena bilang nominee ng isang party-list para sa susunod na halalan. Sa kasalukuyang sistema na hanggang tatlo lamang ang maaaring maupo bilang kongresista sa Kamara, si Diwata ay itinalaga bilang fourth nominee. Hindi rin biro ang makatatlong representative sa 19th Congress natin. ACT-CIS lamang ang nag-iisang grupo na may tatlong kinatawan matapos makakuha ng 2 milyong boto noong 2022.
Hindi maikakaila na mukhang sa simula pa lamang ay maaaring wala talaga sa plano na maging kinatawan ng party-list sa Kamara si Diwata, at inilagay lang para magkaroon ng ingay ang grupo. Sana lang, sang-ayon din sa tunay na diwa ng party-list system, magkaroon ang isang pares vendor na si Diwata ng boses sa magiging partisipasyon ng kanilang grupo sa Kamara, kung sila'y papalarin na manalo sa susunod na taon.
Sa susunod na halalan, 156 na grupo ang magpapaligsahan para maipasok ang kanilang representasyon sa kongreso.
Bilang mamboboto, nasa atin muli ang pagkakataon para maging mapanuri kung sino ang tunay na nararapat. Huwag nating kalimutan na nasa atin ang kapangyarihan at ang pribilehiyo na makatulong sa mga kababayan nating walang boses at nasa laylayan ng lipunan.
Sana lamang ay maibigay naman natin sa kanila ang pagkakataon na magkaroon ng tunay na kinatawan, at hindi ang mga nagnanais lamang na gamitin ang party-list system para sa sariling kapakanan.
------
I-follow ang aking social media accounts JingCastaneda Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph.
- Latest