Ang relo ni Bongbong
HINDI ko alam kung ano’ng relo ang suot ni Presidente Bongbong Marcos na tinangkang arborin ng isang kadete sa graduation rites ng Philippine Military Academy (PMA) noong Mayo. Pero may halaga tiyak ito dahil hindi marahil magsusuot ng mumurahin ang isang Presidente. Nakagalitan daw ng mga PMA officials ang kadete dahil ito ay lihis sa tradisyon ng pamantasang militar.
Ngayon lang naging big issue ito dahil isiniwalat ni Vice President Sara Duterte sa isang press conference para ibulalas ang lahat ng hinanakit niya kay Marcos. Sabi ni Sara, sa sinabi ni Marcos na “bakit ko naman ibibigay sa’yo ang relo ko?” gusto raw ni Sara na pugutan siya ng ulo. Tingin ni Sara, out of order ang sagot ng Presidente.
Kahit sino ang lumagay sa katayuan ni Marcos, siguradong mabibigla lalo pa’t mamahalin ang relo. Kung mabilis mag-iisip, ang dapat sigurong isagot at ngiti at salitang “luma na ito, ibibili na lang kita ng bago”.
Caught on the spot si dayunyor! Nasilip iyan ni Sara at ginamit sa kanyang press con para bigyan ng diin ang galit niya sa Presidente. Ewan ko kung pinatawan ng disciplinary action ang kadete pero ayon sa pamunuan ng PMA, kinagalitan ito.
Alam naman marahil ng kadete na hindi niya dapat ginawa iyon pero siguro, gusto lang niyang subukan. Malay mo nga naman baka ibigay nga? Isang leksiyon ang matututuhan ng ibang high officials sa karanasan ng Presidente:
Sa pagdalo sa public functions, expect the unexpected at laging maging handa. Huwag magsuot ng mamahalin at kung posible, ‘yung murang-mura lang pero maganda na hindi mo panghihinayangang ipamigay kung may aarbor.
- Latest