#ProudMakatizens, maging mapanuri vs disimpormasyon
May nais akong ibahagi sa inyo—isang kuwento na nagsimula sa isang simpleng larawan na kumalat sa social media. Isang Facebook page na tinatawag na Streetlife Manila ang nag-post ng litrato ng isang motorsiklong naka-clamp at ang driver nito, kalakip ang caption na tila nagpapakita ng kawalan ng malasakit mula sa mga enforcer. Ayon sa post, si Manong Angkas daw ay naputulan ng kadena at itinabi ang kanyang motor, pero imbes na tulungan, ikinandado pa raw ito ng enforcer at tinikitan.
Kapag nakita natin ang ganitong post, madaling magalit. Natural na mag-react, magkomento, at humusga. Ngunit alam nating lahat na hindi dapat basta-basta maniwala sa mga nakikita o nababasa natin online. Kaya’t agad kaming nagsagawa ng imbestigasyon upang malaman ang buong kuwento.
At ito ang totoo: Ang insidenteng ito ay nangyari dalawang taon na ang nakalipas. Ni-recycle ang litrato. At hindi Public Safety Department (PSD) ng Makati ang sangkot dito, kundi isang enforcer mula sa Makati Parking Authority (MAPA), isang pribadong organisasyon na nagpapatupad ng mga patakaran sa parking at trapiko sa Central Business District ng Makati.
Nang makita ng MAPA enforcer ang motor sa gilid ng daan na walang nagbabantay, sinunod niya ang proseso at ikinandado ito. Pero nang bumalik si Manong Angkas matapos bumili ng piyesa para sa kanyang naputol na kadena, nagpakita naman ng konsiderasyon ang MAPA sa sitwasyon ni Kuya. Agad nilang inalis ang kandado at hindi siya binigyan ng ticket.
Ang nakababahala, ginamit ang luma at wala sa konteksto na larawan upang magpakalat ng maling impormasyon at sadyang siraan ang reputasyon ng lungsod ng Makati. Hindi ito simpleng pagkakamali—ito ay isang malinaw na halimbawa ng disimpormasyon, at ang page na Streetlife Manila ang nagpakalat nito.
Kaya ipinag-utos ko na sa ating Law Department na pag-aralan ang mga legal na hakbang na maaaring gawin laban sa mga nasa likod ng post na ito, lalo na sa mga gumawa at nagpakalat ng kasinungalingan. Kailangan nilang managot sa kanilang ginawa.
Mabilis kumalat ang ganitong uri ng maling balita. Hindi lamang ito nakapipinsala sa ating mga opisyal at empleyado—mga taong tapat na nagseserbisyo sa inyo—kundi nagdudulot pa ng online harassment at pambabastos. Nakikita natin ang epekto nito sa morale ng mga enforcer natin na nagsasakripisyo para sa kaayusan ng ating lungsod.
Kaya nais kong iparating sa lahat: Hindi namin papayagan ang ganitong uri ng kasinungalingan. Hindi namin hahayaang sirain ng disimpormasyon ang tiwala ninyo sa pamahalaan ng Makati. Kayo ang dahilan kung bakit patuloy kaming nagsusumikap, at bilang inyong mayor, gagawin ko ang lahat para protektahan ang katotohanan at integridad ng ating lungsod.
Muli, ProudMakatizens, mag-ingat tayo sa mga balitang nakikita natin online. Huwag basta-basta maniwala; alamin ang buong kuwento. Patuloy tayong magkaisa at magtulungan. Sama-sama nating panatilihing matatag ang ating tiwala at respeto sa isa’t isa. Ang Makati ay isang lungsod na nakatindig sa prinsipyo ng katotohanan, at hindi tayo titigil sa paglaban para rito.
- Latest