Bato na ginamit na pangkalso sa pintuan, natuklasan na nagkakahalaga ng $1-M!
NATUKLASAN ng isang pamilya sa Romania na ang bato na ginagamit na pang-kalso sa kanilang pintuan sa loob nang maraming dekada ay isa pa lang mamahaling amber na nagkakahalaga ng $1.1 million!
Sa ulat ng Spanish newspaper na El Pais, napulot ng hindi pinangalanang lola ang amber stone sa isang batis sa Colti, Romania. Kuwento ng mga apo nito sa naturang pahayagan, namamasyal sa may batis ang kanilang lola nang mapansin nito ang bato dahil iba ang kulay nito kapag natamaan ng sikat ng araw.
Agad nitong kinuha ang bato at inuwi sa kanilang bahay. Dahil walang kaalam-alam ang kanilang pamilya na may halaga pala ito, napagpasyahan na gamitin itong door stop o kalso sa pintuan.
Noong 1991, namatay ang lola at ipinamana ang bahay sa isa sa mga apo kasama na rin ang lahat ng mga bagay dito pati na ang batong pangkalso. Napansin ng pinamanahang apo na kakaiba ang bato kaya ipina-appraise ito sa mga eksperto.
Doon natuklasan na isa itong Rumanit Amber at napag-alaman na mataas ang value nito dahil bihira ang may amber na ganoon kalaki ang size. Ayon sa Museum of History sa Krakow, ang naturang amber ay posibleng nagmula pa noong 38 hanggang 70 million years ago.
Ang amber ay nagmula sa tree resin o dagta ng puno na na-fossilize o nanigas sa loob ng milyun-milyong taon. Karaniwan itong may dilaw, kahel, o brown na kulay at kilala sa kagandahan nito, lalo na kapag ginagamit sa paggawa ng alahas.
Napagpasyahan ng apo na ibinenta ito matapos looban ang kanilang bahay at pagnakawan sila ng mga gamit. Mabuti na lamang at hindi pinansin ng mga magnanakaw ang amber sa pag-aakalang wala itong value. Dahil dito, minabuti na ng pamilya na ibenta na ito sa Romanian state. Kasalukuyan itong naka-display sa Provincial Museum of Buzau.
Hindi ito ang unang kaso ng paggamit sa isang mamahaling bato bilang pang-kalso. Sa Michigan, U.S.A., may isang magsasaka doon na ilang dekada na ginamit na pangkalso sa pinto ang isang meteorite na bumagsak sa kanyang bukid.
- Latest