Mabilis na kilos ng CIDG
MANILA, Philippines — Nakilala ng mga awtoridad ang mga salarin sa pagpatay kay Pampanga beauty queen Geneva Lopez at kasintahan si Yitshak Cohen sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV cameras na nag-umpisa sa isang gasoline station noong Hunyo 21 na nawala ang mga ito.
Pinamunuan ni Criminal Investigation and Detection Group CIDG) chief Maj. Gen. Leo Francisco ang pagkalap ng mga impormasyon sa lahat ng mga lugar na dinaanan ng magkasintahan patungo sa kausap nilang tao kaugnay sa lupang isinangla sa mga ito.
Nang makakuha ng CCTV footages agad sinuyod at ipinaimbita ang mga taong nakunan upang imbestigahan ang kanilang partisipasyon. Doon na natumbok ang unang suspek na si alyas Jun nagdrayb ng sasakyan na pinagkargahan ng bangkay ng magkasintahan.
Itinuro ni Jun ang bakanteng lote sa Bgy. Sta Lucia, Capas, Tarlac na pinaglibingan sa mga biktima. Sa salaysay ni Jun sa CIDG, may dalawa pang tao na naghihintay sa lugar. Ang mga iyon daw ang naglibing sa mga biktima.
Sa imbestigasyon, lumalabas na ang tumawag sa magkasintahan bago mawala ay ang pulis na nagsangla ng lupa. Agad nagtungo ang magkasintahan sa lugar na pinagkasunduan subalit ayon sa mga awtoridad, maaring hindi nagkaayos kaya pinatay ang mga ito. May mga tama ng bala ang mga biktima ayon sa NBI.
May tatlo pang hinahanap na kasangkot sa pagpatay at paglilibing sa magkasintahan. Ang dalawang suspect na pulis ay pawang nadismis sa serbisyo noong 2021.
Pinuri ang CIDG sa mabilis na follow up operation sa paghahanap sa mga bangkay ng magkasintahan. Nagpasalamat naman ang kapatid na lalaki ni Cohen sa mga awtoridad bago inilipad ang bangkay nito patungong Israel.
Abangan.
- Latest