^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hindi ligtas ang mga estudyante

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Hindi ligtas ang mga estudyante

MARAMING nangyayaring krimen ngayon at maski ang mga estudyante ay nanganganib sa mga kri­minal. Pati sa loob ng campus, nakakapasok ang mga kriminal at malayang nakagagawa ng krimen. Walang magawa ang mga kawawang estudyante sa pag­salakay ng mga masasamang loob. Nagiging inutil­ naman ang pamunuan ng eskuwelahan sapagkat hindi maprotektahan ang mga mag-aaral. Nagmimistulang sisiw ang mga estudyante sa pagdagit ng hayok na lawin.

Noong Lunes ng gabi, dakong 8:00 ng gabi, isang 18-anyos na babaing estudyante sa University of the Philippines-Diliman ang hinoldap at pinagsasaksak ng tatlong lalaking holdaper. Naganap mismo ang krimen sa loob ng UP campus, sa tapat ng College of Engineering.

Ayon sa pulisya, naglalakad ang estudyante nang sundan ng mga holdaper at tinutukan ng patalim at kinuha ang bag. Nagsisigaw ang estudyante. Inundayan siya ng saksak ng isa sa mga holdaper. Tumakas ang mga ito tangay ang bag ng estudyante na naglalaman­ ng cell phone, pera, IDs at iba pang gamit.

Dinala sa ospital ang estudyante at ginamot sa mga natamong saksak. Nagsagawa ng manhunt ang Quezon City Police District sa mga suspect. Ang UP ay may sari­ling police force at nangakong magpapakalat ng mga security personnel sa bawat sulok ng UP campus.

Noong Hulyo 1, 2023, isang babaing estudyante ang tinangkang gahasain sa loob ng UP-Diliman campus. Pauwi na ang estudyante dakong 10:00 ng gabi nang harangin ng isang lalaki at tutukan ng patalim. Dinala ang estudyante sa madamong bahagi. Nanlaban ang estudyante hanggang sa makatakas sa rapist. Naka­takas ang rapist. Hindi na nalaman kung nahuli ito ng UP police.

Ang madalas na pagsalakay ng mga masasamang loob sa UP campus ay nagpapakita lamang na hindi nagagampanan ng mga awtoridad ang regular na pag­pa­­patrulya. Nagkaroon ng lakas ng loob ang mga krimi­nal na sumalakay sa mga kawawang estudyante sapagkat alam nilang walang nagroronda lalo na sa gabi.

Sa Hulyo 29 ay mag-uumpisa na ang school year 2024-2025. Tiyak na nakaabang na ang mga masasamang loob sa pagpasok ng mga estudyante. Kung sa UP ay nagaganap ang mga pagsalakay ng mga magnanakaw, magaganap din ito sa iba pang schools hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Magsagawa ang Philippine National Police (PNP) ng mga paghahanda para maprotektahan ang mga estudyante. Huwag hayaang mabiktima ng mga kri­minal ang mga mag-aaral.

vuukle comment

KRIMINAL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with