Nagsimula sa P700 na puhunan...Civil Engineer na nag-hydroponics pa
Ngayong araw na ito ay ibabahagi ko sa inyo ang very inspiring na buhay sa paghahalaman ng isang Civil Engineer na nagsimula lamang sa P700 puhunan para sa kanyang Hydroponics method of farming.
Ang aking tinutukoy ay si Benedict “Ben” Marcolesia owner ng BG Hydroponics & Gardening Supplies na makikita sa Sta.Maria Bulacan.
Nagsimula si Benedict ng Kratky Hydroponics method of farming noong kasagsagan ng pandemya sa COVID-19 at lockdown sa maraming lugar.
Kasabay pa ng pagkalugi sa pag-aalaga ng baboy dahil sa African Swine Flu (ASF).
“Nagkasakit ang aming mga alagang baboy dahil sa ASF, kaya lugi kami, pero hindi kami sumuko, sa halip pinag-aralan ko sa social media ang pagtatanim ng mga halaman sa pamama-gitan ng Hydroponics na pamamaraan” ani Benedict
Aniya, wala siyang malaking kapital na inilabas dahil ang kanilang dating kulungan ng baboy ay ginawa nang taniman ng halaman, partikular na ang iba’t ibang variety ng lettuce.
Maganda ang kinakalabas ng ginawang pagtatanim ng halaman ni Benedict at hindi siya gaanong pagod dahil kapag naitanim na ang lettuce sa mga styrobox ay bibilang na lang ng 45 araw ay makakaani na.
Hindi rin problema ni Benedict ang pagma-market o pagbebenta ng kanyang mga ani dahil pino-post lamang niya sa social media kapag malapit nang umani.
Bago pa dumating ang aktuwal na araw ng pag-ani, madalas ay sold out na ang mga tanim ni Benedict.
“Mabilis ang balik ng puhunan sa ganitong pamamaraan ng pagtatanim.
Kaya ipinagpatuloy ko hanggang mapuno ko ng halaman ang aming dating dalawang kulungan ng baboy,” pahayag pa ni Benedict.
Lalo pang sinaliksik at pinagbuti ni Benedict ang paghahalaman hanggang unti-unti na nitong ma-master ang pagiging grower at seller.
Kahit ipinatawag na si Benedict sa kanilang kumpanya sa Pasig bilang Engineer at production head ay ipinagpatuloy pa rin niya ang pagtatanim.
“Kapag nasa trabaho ako, si Tatay Salvador “Badong” ang siyang nag-aalaga ng aking mga tanim,” sabi pa ni Benedict.
Ani Benedict, natutuwa siya dahil nag-e-enjoy ang kanyang mga magulang sa pag-aalaga ng kanyang mga tanim tuwing siya ay nasa trabaho.
“Nagsisilbing bonding na ni tatay at nanay ang paghahalaman, nawawala ang stress nila, nakakakain ng sariwang gulay at nakakatulong pa sa pagpreserba sa ating Inang Kalikasan” sabi pa ni Benedict.,
Kapag day off sa trabaho ay nagka-conduct naman ng free seminar si Benedict sa mga nais matuto ng Hydroponics method of farming.
“Hiram na talento mula sa Panginoon ay nais kung ibahagi sa iba na gustong matuto,” sabi pa ni Benedict.
I-follow lamang po ninyo sa facebook ang BG Hydroponics & Gardening Supplies.
Kung gusto po ninyong magsimula sa halagang P700 hanggang P1000 ay may makukuha na po kayong materials kay Benedict tulad ng styro box, styro cups, snap solution, cocopeat at seeds ng lettuce.
Sa hinaharap ay plano ni Benedict na magkaroon ng modern farm na climate change resilliant
Nitong nakaraan ay napanood ninyo ang interview kay Benedict at tour sa kanyang Garden sa Masaganang Buhay TV Show ng Magsasakang Reporter.
Samantala, para sa iba pang tips at sikreto sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan ay maaari po kayong manood at makinig ng aking TV program na Masaganang Buhay tuwing Linggo, alas-7:00 hanggang alas-8:00 ng umaga sa OnePH Cignal TV, Channel 1 ng TV-5.
Mapapanood din sa RPTV, Facebook at Youtube.
Maaari din kayong manood at mag-subscribe at mag-follow sa aking Youtube Channel na ANG MAGSASAKANG REPORTER at Facebook profile na Mer Layson at Facebook page na Ang Magsasakang Reporter, TV host Vlogger, Tiktok na Magsasakang Reporter para sa iba pang kaalaman at impormasyon sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star Ngayon (PSN) ng Star Media Group.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag po tawag, sa 09178675197. STAY SAFE, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.
- Latest