Winawasak ng halalan ang ating demokrasya
Magsasalin na ang taon. Poporma na sa 2024 ang mga umaambisyong mahalal sa Kongreso at lokal na posisyon sa Mayo 2025.
Labindalawang senador, at 326 district at party-list kongresista ang ihahalal. Dagdag pa ang tig-82 gobernador at bise, at provincial board members. Meron pang tig-149 city mayors at bise, at city councilors. At tig-1,485 municipal mayors at bise, at konsehales.
Karamihan sa mga nakaupo ngayon ay magpapahalal muli o aasinta ng ibang posisyon. Mauubos ang 2024 sa paghahanda at palihim na pangangampanya. Ang political dynasts – mag-asawa, magkapatid, mag-ama’t ina – ay magpapalitan ng puwesto.
Kokontrata muli ang Comelec ng automated election system na susuway sa AES Law. Hindi na naman malalaman ng madla kung totoong nabilang ang boto nila. Sabi ni Bongbong Marcos nu’ng 2016, hindi electronic system kundi dayaan system ang binebenta ng supplier.
Winawasak ng eleksyon ang demokrasya. Hindi na demokratiko ang halalan kung ang nananalo lang ay mayayaman at makapangyarihan. Sila-sila na lang. Etsa-puwera ang taumbayan. Oligarkiya ang tawag diyan.
Sa ancient Greece sumibol ang demokrasya. Pero wala silang halalan. Sinusulat lang ang pangalan ng mga lalaking mayor de edad at hinuhulog sa tambiolo. Binubunot ng isang batang musmos ang mga pangalan. Sila ang bubuo sa konseho. Isang taon lang ang termino para hindi matuksong magnakaw sa kaban ng bayan at magdiktador.
Ang mga nahalal sa konseho ang pumipili ng pinuno. Nagtatalaga sila ng mga heneral ng hukbo at mga gobernador ng iba’t ibang siyudad. Tig-isang taon lang din ang mga termino.
Subukan kaya natin itong palabunutan sa Pilipinas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest