Ayusin ang nursing schools para matino ang graduates
BABAE o lalaki, bagay mag-nurse ang Filipino. Ugali kasi natin mag-alaga ng mga kapamilya. Kabisado natin makitungo sa may karamdaman. Mahusay ang “bedside” manners natin.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy nire-recruit sa America, Europe, at Asia ang Filipino nurses. Kapos ng nurses sa Pilipinas dahil 316,405 sa kanila, 51% ng total ay nagta-trabaho abroad. Pinatataasan ng Kongreso ang sahod at benepisyo ng 175,900 (28.5%) na nasa mga ospital sa Pilipinas. Sa ganu’ng paraan mapapabalik sa propesyon ang 19.7% na nasa call centers o walang trabaho.
Pero kulang pa rin ang nurses. Mas ramdam kasi ang pangangailangan sa kanila. Health conscious ang Pilipino ngayon. Dumarami ang specialty clinics.
Binabalak ng gobyerno na payagan muli dumagsa ang nursing schools. Pero mag-ingat sana ang Commission on Higher Education. Iwasan ang kamalian nu’ng mga dekada 1990-2010.
Sa rami ng nais mag-nurse noon, pinagsamantalahan ng diploma mills ang mga estudyante. Siningil ng labis-labis na tuition, pero kapos sa pasilidad, kagamitan, at guro. Parang hostage ang mag-aaral. Pinagbabayad ng mahal para makapag-final exam. Mas mahal pa para makakuha ng transcript of records. At lalo pa para sa review classes.
Pero mahigit kalahati ng nursing graduates ang lagpak sa taunang licensure exam. Balik-eskuwela sila pero bagsak pa rin sa Take-2 o Take-3.
Gayahin ang estilo sa America at Europe. Maari mag-Nurse Aide matapos ang first year. At Associate Nurse matapos ang second year. Mas mababa nga ang sahod, pero garantisadong may trabaho. Mas mataas siyempre ang sahod ng nakatapos ng apat na taong Bachelor of Science. Lalo na ang may Masters at Doctorate.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest