EDITORYAL — Wakas ng ‘pork barrel queen’
SA pagkakahatol ng Sandiganbayan kay “pork barrel queen” Janet Lim Napoles noong Biyernes, maaari ito na ang wakas ng kanyang pakikipaglaban para malusutan ang mga kasong may kaugnayan sa paglulustay niya ng pera ng taumbayan. Kung mag-aapela man siya, maaaring hindi na mananaig ang kanyang mga argumento at patuloy na lalabas ang katotohanan sa pagwawaldas niya ng salapi ng taumbayan.
Hinatulan si Napoles ng Sandiganbayan ng hanggang 64 taong pagkakakulong makaraang mapatunayang nagkasala ng apat na counts sa kasong graft at malversation of public funds. May kaugnayan ito sa illegal disbursement ng P20 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating South Cotabato Rep. Arthur Pingoy. Pinawalang sala naman ng Sandiganbayan si Pingoy.
Sa desisyon ng Special Second Division ng anti-graft court, senitensiyahan si Napoles ng 40 taong pagkakabilanggo sa apat na kaso ng malversation of public funds at 24 taong pagkakabilanggo naman sa apat na counts ng graft na may kabuuang 64 taon. Bukod kay Napoles, nahatulan din ang mga dating opisyal ng National Agribusiness Corporation (NABCOR) na sina Rhodora Mendoza, Victor Cacal at Maria Ninez Guañizo.
Una nang hinatulang guilty si Napoles noong Disyembre 2018 dahil sa plunder sa pork barrel scam na nagkakahalaga ng P10 bilyon na minaniubra niya noong 2013 dahil sa paggamit ng pekeng non-government organizations (NGOs). Nabulgar ang raket ni Napoles dahil sa pinsan niyang si Benhur Luy. Nadawit si dating Senator at ngayo’y chief presidential counsel Juan Ponce Enrile, Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla na inakusahan ng Office of the Ombudsman ng plunder at graft at pawang nakulong pero nakalaya rin.
Ngayong nahatulan na si Napoles ng Sandiganbayan, maaaring nagwakas na ang kanyang pakikipaglaban na mailihis ang ginawa at palabasing wala siyang kasalanan. Pero sa kabila na nahatulan na ang pork barrel queen, mayroon pa ring mga katanungan na naiiwan. Nasaan na ang iba pang akusado o kasabwat niya sa pagnanakaw ng pondo. Nasaan na rin ang kapatid niyang si Reynald Lim na umano’y nakinabang din sa pondo?
Malaking pera ang napasakamay ni Napoles at sana ang kautusan ng Sandiganbayan na maibalik sa pamahalaan ang kanyang mga nakulimbat ay magkaroon ng katuparan. Ngayong nangangailangan ng pera ang bansa dahil sa maraming problema at lubog sa utang, kailangang maibalik ang ninakaw ng “pork barrel queen’’.
- Latest