Bakit sa Pinas dadalhin ang Afghan refugees?
Hinihiling ko sa mga senador na tutulan ang balak ng United States na dito pansamantalang magkanlong ang mga Afghan refugees. Huwag sanang pumayag na dito dalhin ang 50,000 refugees na sa pagkakaalam ko ay hindi naman talaga mga refugees kundi mga civilian workers ng mga pasilidad ng US sa Kabul, Aghanistan. Sa kagustuhan ng U.S. na madala ang mga Afgans, dito nila sa Pilipinas ipa-process ang kanilang papeles para makakuha ng visa.
Hindi naman tama ang balak na ito ng U.S. Bakit dito nila ipa-process ang visa ng Afghans? Bakit hindi sa U.S. Natatakot ba sila na gantihan ng Taliban rebels at magkaroon ng karahasan sa kanilang bansa. At para sila makaiwas sa kaguluhan, ang Pilipinas ang kanilang napiling pagdalhan ng refugees. Wala silang pakialam kung magkaroon ng kaguluhan sa Pinas. Wala silang concern kung magkaroon ng pagsabog o suicide bombing kaya.
Mahilig ang U.S. na manghimasok sa gulo ng ibang bansa subalit pati ang nananahimik na bansa na gaya ng Pinas ay isasali nila sa kaguluhan at kung anu-ano pang mga problema.
Bakit hindi nila dalhin sa kanilang teritoryo ang mga Afghans at doon ay malayang gawin ang nais sa mga ito. Huwag sa Pinas na marami ring pinapasan na problema. Ayaw ng mamamayan na mapahamak dahil lamang sa hangarin ng U.S.
Huwag sanang mahikayat ang mga senador sa pakiusap ng U.S. Tanggihan ang Afghans. Huwag dito.— Manuelito San Jose, Sampaloc, Maynila
- Latest