Kapakanan ng OFWs at kanilang pamilya, tiniyak
DATI, iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang nagbabantay at tumutugon sa pangangailangan ng overseas Filipino workers (OFWs).
Kaya minsan, hindi maiwasan na nagkakaroon ng pagkaantala sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ngayong naitatag na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamumuno ni Secretary Susan Ople, mas mabilis na ang aksyon ng gobyerno sa mga isyung may kinalaman sa OFWs at sa kanilang mga pamilya.
Bilang ina ng Lungsod Quezon, minabuti nating makipagtulungan sa DMW para mas mabigyan ng karampatang proteksyon ang OFWs na naninirahan sa ating lungsod, pati na ang kanilang pamilya na iniwan para maghanapbuhay sa ibang bansa.
Nitong nakaraang linggo, pinangunahan namin ni Sec. Susan Ople ang ceremonial signing ng memorandum of agreement sa Quezon City Hall. Itinaon natin ang pirmahan sa ating event na may pamagat na “Babaeng Kyusi: Ikaw ay Bayani.”
Nagsagawa rin ng soft launch ang siyudad para sa E-Habilin project o ang QC OFW Safe Migration and Reintegration for OFW Children Left Behind (QC-OFW SMARt Child), isang online portal kung saan maaaring iparehistro ng OFWs ang kanilang mga anak para masiguro ang kanilang proteksiyon at kapakanan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.
Sa aming kasunduan, palalakasin ng QC government, sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni Rogelio “Batoy” Reyes, at DMW ang pagbibigay proteksyon, pagtataguyod at pagtupad ng mga karapatan ng OFWs, lalo na sa hanay ng kababaihan, at kanilang pamilya sa QC.
Layon din nitong ipatupad at paigtingin ang iba’t ibang serbisyo at programa para kanilang mapakinabangan.
Magsasagawa rin ng hiwalay na pagkilos ang lokal na pamahalaan para mapalakas ang partnership nito sa DMW para masigurong naibibigay ng tama ang benepisyo ng ating migrant workers.
Naniniwala naman si Sec. Ople na ang kasunduang ito ay magbibigay ng mas maliwanag na bukas para sa mga anak at pamilya ng OFWs sa siyudad.
Bahagi ng kasunduang ito ang pagbabantay sa pamilya ng ating OFWs upang hindi sila mahulog sa masamang bisyo, mabantayan ang kanilang kapakanan, at masigurong protektado sila sa anumang banta sa lipunan.
Bago pa man ang kasunduang ito, matagal nang binabantayan ng pamahalaang lungsod ang kapakanan ng ating migrant workers sa tulong ng QC Migrant Resource Center na nilagay sa ilalim ng Public Employment Service Office (PESO), sa pamamagitan ng City Ordinance 2500-2016.
- Latest