Bagong mukha ng mga PWD: Persons with disability to persons we can depend on
Sa isang iglap, nagbago ang buhay nina Bless Adriano at Nerwil Pacao. Biglang nabulag si Bless nang siya’y nasa second year high school dahil sa systemic lupus habang naputol naman ang paa ni Nerwil dahil sa isang aksidente.
Sa mundo kung saan kadalasang nananalo ang mga magagaling at matatalino, ang mga simpleng bagay at oportunidad na nakukuha ng mga normal na indibidwal ay tila mailap para sa mga may kapansanan o persons with disability (PWD). Ganito namuhay dati sina Bless at Nerwil, dalawang magkaibang taong nakahanap ng pag-asa sa tulong ng iisang organisasyon.
Nang muling lumiwanag ang mundo ni Bless
Noong siya’y dalagita pa, nagising na lamang isang araw si Bless na wala nang makita. Bagama’t kinakabahan, kalmado niyang sinabi sa ina ang nangyari at pumunta sila sa doktor. Matapos ang ilang mga test sa ophthalmologist, nalaman ni Bless na mayroon siyang retinal detachment at systemic lupus.
Bunso sa walong magkakapatid, lumaki si Bless na nangarap na matulungan ang kanyang pamilya. Pati ang mga kapatid ni Bless ay biktima rin ng sakit. Ang kanyang babaeng kapatid na namatay sa edad na 18 at isang lalaking kapatid na mayroong discoid lupus. Para kay Bless, ang pagkawala ng kanyang paningin ay para na ring pagkawala ng mga binuong pangarap.
Ngunit gaano man kadilim ang buhay, palagi namang may bagong araw na sisikat na may dalang liwanag. Nakilala ni Bless ang Project Inclusion Network (PIN), isang programa ng Unilab Foundation na tumutulong sa mahanapan ng trabaho at oportunidad ang mga PWD sa pamamagitan ng paghahasa sa kanilang galling at kakayahan. Ang pagkakaroon ni Bless sa PIN ng hanapbuhay bilang Project Assistant ng Youth for Disability Leadership Program ang naging daan para siya magkaroon ng mas maaliwalas na kinabukasan.
Unang hakbang sa muling paglalakad
Isa si Nerwil Pacao sa mga natulungan ng PIN. Isa na siya ngayong general manager ng CitiHub. Naaksidente noong 2013 si Nerwil. Nabangga ng isang truck ang sinasakyan niyang motor kaya naputol ang kanyang kanang binti. Sumailalaim siya sa therapy sessions noong 2014 para makagamit ng prosthesis. Matinding pagsubok ang hinarap ni Nerwil at ang taong 2015 ang naging pinakamalungkot na bahagi ng kanyang buhay. Sabi ni Nerwill, halos mawalan na siya ng pag-asa para mabuhay.
Ngunit alam ni Nerwil na hindi siya maaaring maging miserable habambuhay. Noong 2016 ay nagsimula siyang maghanap ng mga tao at institusyon na tumutulong sa mga katulad niyang PWD. Natagpuan niya ang PIN, na siyang nag-refer sa kanya sa trabaho bilang isang residence manager ng CitHub. Ang kanyang mga natutunan at karanasan bilang isang HRM graduate ang kanyang naging gabay para makagawa ng marketing strategies at pamunuan ang operasyon ng kanilang branch. May limitasyon man ang kanyang pisikal na kakayahan, wala namang kupas ang talas ng kanyang isipan. Maaaring nawala ang kanang binti ni Nerwil, pero hindi ang kagustuhang makapaglakad muli, at ang pagsali niya sa PIN ang kanyang naging unang hakbang.
Paano natutulungan ng Project Inclusion Network ng Unilab Foundation ang mga PWD
Nagsimula ang PIN sa isang pag-uusap sa pagitan ng Unilab Foundation at ni Grant Javier, Executive Director ng PIN na isa ring amang may mga anak na PWD.
Ang maiwan ang kanyang mga anak na walang kakayahang tumayo sa sarili nilang paa ang pinakakinatatakutan ni Grant. Sabi niya, “Ano na lang ang mangyayari sa anak ko kapag wala na ako?” Ang takot na ito ang naging pundasyon at inspirasyon sa pagbuo ng Project Inclusion Network sa tulong ng Unilab Foundation.
Malinaw ang misyon ng PIN —- ang makatulong na magbigay ng oportunidad sa mga PWD na mamuhay nang ligtas at magamit ang kanilang mga talento para sa ikauunlad ng kanilang sarili at ng lipunan. Nakikipagtulungan ang PIN sa iba’t-ibang mga organisasyon para palakasin ang mga programa ng PWDs.
May 130 na organisasyon ang katuwang ng PIN pagsulong ng adbokasiya ng mga PWD. Sa kasalukuyan, umabot na sa 3,000 PWD ang nabigyan ng tulong at nasa 2 million namang katao ang naabot na ng kanilang mga kampanya para sa nasabing adhikain.
Mayroong four pillars ang PIN
1. Empower – Kailangang magsagawa ng mga aktibidad na makatutulong sa pagbibigay ng training para makapaghanda ang mga PWD na naghahanap ng trabaho
2. Enable – Pag-alalay sa mga institusyon at organisasyon para mas maging madali ang kanilang pagyakap, pag-unawa at adjustment sa sitwasyon ng mga PWD
3. Engage - Pakikipagtulungan sa mga organisasyong handang tumulong sa adbokasiya ng pagtulong sa mga PWD.
4. Ensure - Pagbuo ng mga proyektong magpapalakas sa PIN at magbibigay dito ng pagkakataon para makakuha ng mga donasyon at iba pang tulong para sa organisasyon.
Persons we can depend on
Bawat tao ay may kanya-kanyang bitbit na mga bagahe at mga hamon sa buhay. Sa kabila ng hinarap na mga pagsubok nina Bless at Nerwil, pinili nilang maging matatag. Higit sa kanilang determinasyon, importante rin na may mga tao, sektor at organisasyong tulad ng PIN na siyang aalalay at uunawa sa kanilang kapansanan. Tulad nga ng parating daing ng mga PWD, hindi nila kailangan ng awa. Ang kanilang kailangan ay ang pagkakataon na mahasa para kanilang mapatunayan ang kanilang kakayahang tumayo sa sailing mga paa at magtagumpay.
----
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest