EDITORYAL- Bigyang-respeto, mga namatay na bilanggo
Umabot ng 176 ang mga bangkay ng bilanggo na naipon sa Eastern Funeral Services sa Muntinlupa—ang puneraryang accredited ng Bureau of Correction (BuCor). Karamihan sa mga bilanggo ay namatay pa noong Disyembre 2021 sa ilalim ng pamumuno ng suspendidong BuCor director General Gerald Bantag. Ayon sa BuCor, namatay sa iba’t ibang sakit at pagsu-suicide ang mga bilanggo. Hindi na maaaring awtopsiyahin ang mga bangkay sapagkat matitigas na ang mga ito o mummified. Sabi ng forensic expert na si Dr. Raquel Fortun, imposibleng maawtopsiya ang mga bangkay na mummified na. Ayon naman sa BuCor, hindi nila ipinaawtopsiya ang mga bangkay sapagkat kailangan ang permiso o consent ng mga kaanak ng namatay. Ganunman nagsagawa pa rin ng awtopsiya ang National Bureau of Investigation (NBI) sa utos ni Justice Secretary Crispin Remulla at 39 sa 176 na bangkay ay naisailalim sa forensic examinations.
Noong Biyernes, 60 bangkay ang inilibing na sa sementeryo sa Bilibid. Mismong mga bilanggo ang nagbuhat sa mga kahon na kinaroroonan ng bangkay at saka isa-isang ipinasok sa mga nitso, makaraang bendisyunan ng pari.
Isang babae na kapatid ng namatay na bilanggo ang dumalo sa libing subalit hindi na niya nakita ang bangkay. Hindi na ito pinabuksan ng mga awtoridad. Sabi ng babae na nakilalang si Mary Ann Lucero, kapatid siya ng namatay na si McMurray Lucero. Sampung taon na umano nilang hindi nakikita ang kapatid at hindi nila alam na nagdurusa pala ito sa Bilibid dahil sa illegal drugs. Namatay umano sa diarrhea ang kanyang kapatid at hindi rin umano naawtopsiya ang bangkay nito.
Maraming katanungan kung bakit dumami ng ganun ang mga bangkay na nakaimbak sa funeral homes at hindi alam ang dahilan ng pagkamatay. Nakapagtataka rin na hindi alam ng mga kaanak ng bilanggo ang nangyaring pagkamatay.
Ayon kay Justice Sec. Crispin Remulla, maililibing na lahat sa susunod na batch ang mga bilanggong namatay at naipon sa funeral homes. Inabisuhan na rin umano ang mga kaanak ng namatay upang sa huling sandali ay makita ang bangkay nito.
Nararapat na bigyang respeto ang mga namatay kahit pa bilanggo. Kahit sa huling sandali ay bigyan ng dignidad ang mga taong pinagkaitang makalaya. Hindi na rin sana maulit na itambak ang mga bangkay ng bilanggo sa punerarya na hindi naisasailalim sa awtopsiya.
- Latest