EDITORYAL - Daming nagugutom, dami ring nag-aaksaya sa pagkain
Noong Linggo ay ginunita ang World Food Day na ang tema ay “Leave no one behind”. Sa panahong ito na ang bansa ay hindi pa nakakabangon sa bangis ng pandemya, marami ang dumaraing ng gutom. Marami ang nagsasabing lalo silang naghirap at madalas makaranas ng gutom.
Sa ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO) mula 2019 hanggang 2021, umabot sa 5.3 million ang walang sapat na pagkain habang 48 milyon naman ang sobrang salat sa pagkain o halos wala na talagang mailaman sa kanilang sikmura. Ayon pa sa FAO, 5.7 milyon ang undernourished. Sinabi rin ng FAO na malaki ang banta sa food security kaya hinihikayat ang mga pinuno ng bansa na paigtingin ang food production at sikapin na magkaroon ng mahusay na nutrisyon ang mamamayan at magkaroon din ng mabuting kapaligiran at buhay. Walang dapat maiwanan o matalikdan.
Si President Ferdinand Marcos Jr. ang kasalukuyang Agriculture secretary at pinangako niya na magkakaroon ng food security. Pararamihin ang ani para maraming maihain sa hapag. Wala aniyang magugutom na Pilipino. Lahat ay makikinabang sa maraming ani.
Sa pagkakamit na magkaroon nang maraming ani at pagkain sa hinaharap, nararapat din namang itanim sa mamamayan na huwag mag-aksaya sa pagkain. Karaniwang makikita sa mga fastfood restaurants ang maraming natirang pagkain. Ang iba ay halos hindi nadilaan at deretso na sa basurahan. Ayon sa surbey, nasa 2,000 tonelada ang mga nasasayang na pagkain araw-araw. Lahat ng mga ito ay nakukuha sa mga restaurant.
Habang maraming Pilipino ang nakararanas nang matinding gutom, marami rin naman ang nag-aaksaya at hindi na nanghinayang sa mga itinapong pagkain. Sa surbey naman ng Social Weather Stations (SWS), nasa 2.9 milyong Pinoy ang nakaranas ng gutom sa ikalawang quarter ng taon.
Maraming nagugutom at marami ring nag-aaksaya ng pagkain. Sana mapagtanto ng mga nag-aaksaya sa pagkain ang kanilang ginagawa.
- Latest